Pagtatampok ng Lemlunay, bagong Aklat ni Virgilio Almario

















Pagtatampok ng Lemlunay, bagong Aklat ni Virgilio Almario


Noong November 13, 2024, ako ay isa sa naimbitahan sa pagtatampok ng bagong aklat ng nag-iisang si Sir Virgiol Almario na mas kilala sa pangalang Rio Alma. Siya ay isang National Artists at magaling na manunulat. Ako ay lubos na nasiyahan sa pakikinig sa kanyang napakagandang lecture tungkol sa kahalagahan ng pagpapahalaga sa ating kultura at kasaysayan bilang mga Pilipino. Sa mga salita ni Sir Almario, nahanap ko ang mga sagot sa ilang tanong na matagal ko nang iniisip: Paano ba natin mamahalin ang ating bayan kung hindi natin nauunawaan at hindi natin pinahahalagahan ang ating pinagmulan?

Isa sa mga unang bagay na itinampok ni Sir Virgilio ay ang pagkawala ng ating katutubong kultura—ng ating mga sining, kwento, at tradisyon. Isa raw sa mga pinakamalungkot na realidad ng ating kasaysayan ay ang pagkawala ng mga indigenous items—mga kasuotan, gamit, mga likhang sining—na minsang nagsilbing bahagi ng ating kasaysayan at kultura. At ang masakit pa dito, marami sa mga ito ay ipinagbili at ngayon ay matatagpuan na sa mga museo sa ibang bansa. Halimbawa, ang Agusan Image, isang gintong anito, na sa ngayon ay nasa Chicago na. Ipinagbili lang ito ng mga banyaga at ngayon, ang isang bahagi ng ating kultura ay nanatili sa isang banyagang lupain, malayo sa ating mga puso. Ika pa niya, kapag tayo ay pumunta sa ating mga museo, ang laman halos ay mga sira-sirang banga at mga lumang kasuotan. Kaya paano natin mapag-aaralan ang nakaraan kung ang meron lang tayo ay mga pira-pirasong artifact. Kaya tinatawag ang ating kultura na " Damaged Culture" Mas marami pang koleksyon ng ating mga indigenous items ang ibang bansa tulad ng spain, british, at dutch museums. Kung gusto mong pag-aralan ang ating kultura ay kailangan mo pang mangibang bansa dahil mas marami silang koleksyon ng kasaysayan kompara sa atin. Kaya naisip ko na kaya walang masyadong nag-aaral ng ating kasaysayan kasi kapag ikaw ay kulang sa pondo ay hindi mo iyon magagawa.

Binanggit din ni Sir Almario ang isang halimbawa tungkol sa mga sinaunang akdang pampanitikan, tulad ng Florante at Laura. Ang mga librong nakakalat sa mga library at bookstore ay bersyon na naisulat ni Apolinario Mabini na ayon lang sa naaalala nito. Kaya naghahanap siya ng beryson na nailimbag noong 1870's. Ang dalawang kopya ay matatagouan sa Newberry Library sa Amerika. Bawat kopya nito ay may kasaysayan, may mga edisyon na inilimbag noong mga dekada ng 1800s, na hindi pa naririyan sa ating bansa. Dahil sa kakulangan ng pagpapahalaga at pag-aalaga sa ating sariling literatura, napakarami sa ating mga mahahalagang akda ang napunta na sa ibang bansa, habang tayo mismo ay nahirapan na ipagmalaki at pag-aralan ang ating sariling kultura.

Pambihirang pagninilay-nilay sa ating kasaysayan, sinabi ni Sir Virgilio, na tila hindi natin naipasa sa mga kabataan ang tamang pagpapahalaga sa ating mga kwento at sining. Nasa atin ang maraming wika, ngunit karamihan sa atin ay hindi na marunong magsalita ng sariling wika, at ang mas masakit pa, mas pinapahalagahan pa natin ang Ingles kaysa sa ating katutubong mga wika. Hindi natin nakikita ang halaga ng ating mga wika bilang pangunahing susi sa pagpapalaganap ng ating kultura.

Sa lecture, muling itinutok ni Sir Virgilio ang mga kasaysayan at art forms na mula sa ating mga ninuno. Sinabi niyang "Ang ating mga ninuno ay may malalim na konsepto ng paraiso, ng kagandahan ng kalikasan at ng mga espiritu." Minsan, nakakalungkot isipin na ang mga art forms ng ating mga katutubo ay halos nawala na, at ang mga ito ay unti-unting nawawala sa ating alaala. Bakit? Dahil wala tayong sapat na pagpapahalaga sa mga ito. Kung hindi natin ito itutuloy at hindi natin ito ipagmalaki, mawawala sa atin ang ating pagkakakilanlan at magiging mahirap ipasa sa mga susunod na henerasyon ang mga art forms na may lalim at kahulugan para sa atin bilang mga Pilipino.

Ang pinakamatinding aral na itinuro sa akin ni Sir Virgilio ay ang kahalagahan ng edukasyon. Para sa kanya, walang bansang mahirap. Walang bansang mahirap kung may edukasyon at may tamang pagpapahalaga sa kultura. Ang tunay na kahirapan ay hindi sa aspetong ekonomiko kundi sa kamangmangan ng mga tao. Ang kahirapan ng isang bayan ay nakasalalay sa kawalan ng kamalayan at pag-unawa sa kanilang sariling kasaysayan at kultura. Kaya't mahalaga ang pagtutok sa edukasyon na may malalim na pag-unawa sa ating mga tradisyon, wika, at mga sining.

Ibinahagi ni Sir Virgilio na ang NCCA (National Commission for Culture and the Arts) ay gumagamit ng Ingles, at madalas, pati na ang mga akda, mga lectures, at iba pang materyales ukol sa kultura ng Pilipinas ay nakasulat sa Ingles. Kung ang ating mga sarili ay hindi natin naipapahayag sa ating sariling wika, paano natin aasahan na magbibigay tayo ng pansin at pagpapahalaga sa ating kultura? Kung patuloy tayong maging banyaga sa ating sariling bansa, saan tayo pupunta?

Dahil dito, isang malaking hamon para sa atin na mahalin at ipagmalaki ang ating bayan at kultura. Kung hindi natin ito gagawin, sino ang magmamahal at magpapahalaga dito? Kung patuloy nating ipagpapaliban ang pag-aalaga sa ating kultura, malalagas ang mga kwento, mga tradisyon, at sining na magpapalakas sa ating identidad bilang mga Pilipino. Ang mga ito ay hindi lang simpleng bagay, kundi mga buhay na alaala na nagsisilibing gabay sa ating kasalukuyan at hinaharap.

Sa mga huling salita ni Sir Virgilio, binigyang diin niya na ang tunay na pagpapahalaga sa guniguni ng bayan ay hindi lang sa mga museo o sa mga librong may taglay na kaalaman. Nasa araw-araw na buhay natin ito. Nasa bawat kwento ng ating pamilya, sa ating mga wika, sa mga tradisyong ipinasa mula sa ating mga lolo't lola. Kung maaalagaan natin ang mga ito, magtataglay tayo ng mas malalim na pag-unawa at pagmamahal sa ating bayan.

Comments

Popular posts from this blog

LIBRARIAN'S LICENSURE EXAMINATION SEPTEMBER 2025 RESULTS

One Shot Story