Ang Malungkot na Bahay
Ang
Malungkot na Bahay
Isang
araw, habang naglalakad papunta sa kabilang bayan para magtinda ng kanilang mga
inaning gulay na talong at kalabasa ay biglang inabutan ng malakas na ulan ang
mag-inang sina Aling Susan at ang labindalawang taong gulang na anak nitong si
Romano. Tulak ang kanilang kariton ay dali-dali silang naghanap ng
masisilungan. Nakalimutan ni Aling Susan na may bagyo palang paparating dahil naging
abala na sila sa paghahakot ng kanilang mga paninda. Sila na lang ang magkasama
sa buhay dahil wala na ang asawa nitong si Victor. Kailangan na kasi nilang
makaabot ngayong araw sa palengke dahil kinabukasan ay araw ng lingo at
sigurado maaga palang ay marami nang mamimili. Kaya kahit hindi nila kabisado ang daan sa bundok
ay doon na sila dumaan para makarating kaagad sila sa palengke.
Gamit ang karton bilang pantakip sa ulo ay
mabilis ang mga hakbang na palinga-linga sila sa paligid.
“Nay, tingnan niyo!” malakas ang
boses na tawag ni Romano sa kanyang Nanay Susan habang itinuturo ang natatanaw
niyang bubungan ng isang bahay sa hindi kalayuan. “May bahay!” Agad namang sinundan
ng tingin ni Aling Susan ang bahay na itinuturo ng anak. Bigla itong nakaramdam
ng kasiyahan.
“Halika, bilisan natin. Pumunta tayo
roon.” dali-dali silang dalawa na tumungo sa halos nabubulok nang tarangkahan
ng bahay. “Tao po? May tao po ba r’yan?” Malakas ang mga katok at boses na
tanong ni Aling Susan ngunit walang may sumasagot.
“Mukhang walang tao, Nay,” wika ni
Romano habang humahaba ang leeg na tumitingin sa loob ng bakuran ng bahay.
“Mukha nga,” sagot naman ni Aling
Susan. Biglang nalungkot ang boses nito.
“Hindi po ba tayo pwedeng pumasok
dahil wala namang tao, Nay?”
“Hindi maganda ang iniisip mo, anak.
Hindi maganda na pumasok ka sa bahay ng iba nang walang paalam sa may-ari. Ang
mabuti pa ay maghanap na lang tayo ng ibang masisilungan.” Bagsak ang balikat
na muling iniangat ni Aling Susan ang hawakan ng kanilang kariton. Aalis na
sana sila nang biglang may nagsalita sa kanilang likuran.
“Sino iyan?” Tanong ng isang
matandang babae na may hawak na baston bilang pang-alalay sa paglalakad.
“Magandang hapon po. Pasensya na po
sa distorbo pero maari po ba kaming makisilong kahit saglit lang? Ang lakas po
kasi ng ulan,” paki-usap ni Aling Susan.
“Halika kayo. Pumasok kayo sa loob.
Naku may bata ka pang kasama.” Walang pagdadalawang isip na wika sa kanila ng
matanda.
Agad naman silang pumasok sa loob na
mag-ina. Pagpasok ay doon nila mas naramdaman ang lamig. Basang-basa silang
dalawa sa ulan.
“Maraming salamat po, Aling-“
“Emily. Tawagin mo akong Emily,”
dugtong ng matanda kay Aling Susan. “Sandali lang at ikukuha ko kayo ng
tuwalya. Mabagal ang paghakbang na tumungo ito sa isang silid at pagbalik ay
may bitbit na itong dalawang tuwalya at ibinigay sa dalawa.
“Naku, marami pong salamat, Aling
Emily. Ako naman po si Susan at ito ang anak kong si Romano. Papunta po sana
kami sa palengke para magbenta ng mga gulay nang maabutan kami ng malakas na
ulan. Mabuti po at hindi kayo nagdalawang isip na pinatuloy niyo kami rito sa
inyong tahanan.” Nilibot ni Aling Susan ang paningin sa kabuuan ng bahay.
Malaki iyon at malawak ngunit halatang hindi na naalagaan nang maayos. Marami
ring mga antigong kagamitan at sa tingin niya ay mga mamahalin halos lahat nang
naroon.
“Masaya akong makatulong sa iba. Susan,”
wika nito sabay senyas kina Aling Susan na maupo.
“Wala po ba kayong kasama rito,
Aling Emily?” inosenteng tanong ni Romano. Biglang lumungkot ang mukha ni Aling
Emily.
“Wala na iho,” malungkot na tugon
nito. “Ako na lang mag-isa rito sa bahay mula nang ako ay magretiro bilang
guro. Ang aking mga anak ay nasa ibang bansa na lahat at doon na rin sila
nagkapamilya at naninirahan. Ang aking kabiyak naman ay matagal na ring pumanaw
dahil sa sakit. May kasambahay ako pero tuwing sabado at linggo lang pumupunta
rito para maglaba at magdala ng mga pagkain,” dugtong pa nito.
“Ang lungkot naman dito kapag kayo
lang mag-isa,” dagdag pa ni Romano. Agad naman itong sinaway ni Aling Susan.
“Romano, tama na iyang mga tanong
mo.” Natawa nang mahina si Aling Emily.
“Ayos lang. Huwag kang mag-alala, Susan.
Tunay ngang malungkot ang buong bahay dahil ako lang mag-isa rito.” malungkot na
napatingin ito sa malaking larawan na nakasabit sa gitnang bahagi ng salas. Ang
nasa larawan ay ang batang bersyon ni Aling Emily, dalawang batang babae,
tatlong batang lalaki, at isang may edad na lalaki na sa tantiya ni Aling Susan
ay siyang kabiyak ni Aling Emiy. Masaya at kaylapad ng mga ngiti ng mga ito. “Tanging
sa larawan na lamang kami magkakasamang lahat. Alam niyo bang sinadya naming malaki
ang ipapagawang bahay dahil lima ang aming mga supling pero ngayong matanda na
ako at wala na rito ang aking mga anak ay mas gugustuhin ko na lang na maliit
ang bahay pero kompleto kaming lahat. Ang bahay na ito na siyang nagsilbing
kanlungan nang binuo naming pamilya ay siya ring saksi kung paano kami
unti-unting nagkawatak-watak hanggang sa ako na lang ang natira. Kahit marami
ka pang pera kung magkakaroon na ng sariling pamilya ang iyong mga anak ay ikaw
pa rin ang maiiwan mag-isa at walang kasama. Ang bahay na ito na dati ay puno ng
halakhak at tawanan ay naging malungkot at nawalan ng saya.”
Nakaramdam ng kalungkutan si Aling
Susan para sa matanda. Kitang-kita niya ang sobrang lungkot sa mukha nito at
kung gaano itong kasabik na makasama ang mga anak.
“Ako po hindi kita iiwan, Nay.
Hanggang sa pagtanda ko gusto ko sa tabi lang kita.” Sabay na napatingin ang
dalawang babae kay Romano. “Ayaw kitang maging malungkot tulad ni Aling Emily.
Kahit aalis man ako babalikan pa rin kita, Nay.” Namuo ang butil ng luha sa mga
mata ni Aling Susan. Parang hinaplos ang puso nito sa mga sinabi ng anak. Maging
siya ay alam na dadating sa punto na magkakapamilya na rin ang kanyang anak at
aalis ito, pupunta sa kung saan man ito dadalhin ng tadhana pero masaya siya na
sa murang edad ay namutawi sa mga labi nito na gusto siya nitong makasama
hanggang sa pagtanda. Masaya siya na lumayo man ito para harapin ang hamon ng
buhay ngunit babalik pa rin ito sa piling niya dahil ayaw siya nitong maging
malungkot tulad ni Aling Emily.
“Kung gusto niyo po, mula ngayon ay
palagi na kaming dadaan dito sa bahay niyo at nang may maka-usap din kayo kahit
paano. Hindi man po tayo magkakilala nang husto pero alam po namin na may
mabuti kayong puso dahil sa pagpapatuloy ninyo sa amin ng anak ko.”
“Huwag na kayong mag-abala mag-ina.
Huwag niyo akong alalahanin. Sanay na ako kahit ako lang dito sa bahay.”
“Kusang loob po namin iyong gagawin
hindi dahil naaawa kami kundi dahil naging inspirasyon kayo ng anak ko na kahit
anong mangyari ay hindi niya ako hahayaang tumanda nang mag-isa. Siguro may mga
pangyayari talaga na dadating sa buhay natin kung saan magiging parte tayo ng
buhay ng ibang tao. Matagal man o bagong kakilala pa lang natin.”
“Naku, pinapaiyak niyo ako,”
naluluhang wika nang matanda. Lumapit naman si Aling Susan at niyakap ito.
“Yakap din ako,” masiglang wika ni
Romano na nakiyakap rin sa dalawa.
Mula noon ay palagi nang pumupunta
sa bahay ni Aling Emily ang mag-ina. Dinadalhan nila ang matanda ng mga gulay
na inaani nila. At nadagdagan na rin ng panibagong litrato ang malaking salas
ni Aling Emily. Litrato ng pamilyang hindi man sila magkadugo pero naging
pamilya ang turing nila sa isa’t isa.
Ang kwentong ito ay kalahok sa Saranggola
Awards 2024 [Kwentong Pambata].
Comments
Post a Comment