Mula sa Bukid Hanggang sa Tagumpay
Mula sa Bukid Hanggang sa Tagumpay
Malamig
ang hangin. Presko. Alam mo na walang halong polusyon ang kanyang bawat
paghugot ng hininga. Payapa. Malayo sa magulo at maingay na lungsod. Tahimik.
Wala kang ibang na maririnig maliban sa pagaspas ng dahon ng mga puno at
lagaslas ng tubig galing sa sapa sa hindi kalayuan. Para bang ang mundo dito ay
humihinga ng dahan-dahan, may tamang galak at katahimikan. Habang naka-upo at
naka-tanaw sa labas ay hindi niya mapigilang makaramdam ng galak. Pakiramdam
niya ay nakapaswerte niyang tao dahil sa lugar na iyon siya nakatira.
“Kuya
Mark, sasamahan ko pa po ba kayo roon?” lumingon siya sa pinanggalingan ng
boses. Si, Pom. Ang kanyang kasama sa bukid. Hindi naman iyon bukid na literal
pero iyon na ang nakasanayan nilang itawag sa lupaing namana ng kanyang mama sa
tatay nito. Malayo niya itong kamag-anak sa side ng kanyang mama. Mula pa noon
ay naging malapit na ito sa kanya at hanggang ngayon ay hindi na ito
nakipag-sapalaran sa ibang lugar at mas pinili na lang na tumulong sa kanya.
“Hindi
na kailangan, Pom. Kaya ko nang mag-isa. Tatawag na lang ako kung kakailanganin
ko ng tulong. Hindi naman kalayuan ang venue ng reunion namin sa eskwelahan.
Doon lang naman sa bagong gym. Hanapan mo na lang ako ng tricycle na
masasakyan. Sabihin mo aarkilahan ko na lang at medyo malayo pa mula rito,”
aniya na tiningan muna ang repleksyon sa kanyang cellphone bago itinulak ang
kanyang silyang de-gulong patungo palabas ng bahay.
“Okay,
Kuya. Sandali lang at hahanapan kita ng masasakyan,” sagot nito at tumalima na.
Ilang saglit pa ay bumalik na ito. Hindi naman mahirap maghanap ng masasakyan
dahil isa sa pangunahing hanap buhay doon sa kanilang lugar ay ang pamamasada.
Inalalayan siya nitong makalabas sa gate. Mula roon ay nakita niya ang isang
tricycle na naghihintay sa kanya. Bumaba ang driver at tumulong itong isakay
siya sa loob.
“Mukhang ngayon ka lang
ulit nakasakay ng tricycle, Mark,” natatawang wika sa kanya ng medyo may edad
nang driver. Pamilyar ng itsura nito pero hindi na niya matandaan ang pangalan.
Sa tuwing nasa bukid kasi siya ay bihira na lamang siyang lumabas para hindi
siya mahirapan at dahil doon ay kakaunti lang ang kakilala niya sa kanilang
lugar. Maliban pa roon ay hindi naman talaga siya close sa kanyang mga ka
baranggay. Hindi naman sa ayaw niya pero pili lang ang mga taong
pinaki-sasamahan niya. Iyon ay ang mga taong naging mabuti sa kanya at sa
kanyang mama mula pa noong bata siya.
“Oo
nga po,” maikiling tugon niy. Lumingon siya kay Pom. “Ikaw na muna ang bahala
rito.” Tumango lang ito sa kanya. Hindi ito umalis sa kinatatayuan hangga’t
hindi pa nawala sa paningin nito ang sinasakyan niyang tricyle.
“Doon
po tayo sa Hacienda Conchita High School. Dadagdagan ko na lang po ang bayad sa
inyo,” aniya sa driver.
“Aregaldo,
boss!” sumaludo pa ito sa kanya. Siya naman ay tahimik lang sa buong byahe.
Iniisip niya ang mga maaaring mangyayari sa dadaluhan niyang reunion. Sa totoo
lang, hindi niya kagustuhan ang dumalo ngunit naki-usap sa kanya ang kanyang
guro na naging mabait sa kanya noong nag-aaral pa siya. Para sa kanya, ang
reunion ay isang okasyon kung saan ang mga tao ay nakikipag-kompetensya at
nagpapayabangan sa bawat isa sa kung ano na ang naabot nila sa buhay.
Matapos
ang tatlumpong minuto ay nakarating na sila. Tinulungan ulit siya ng driver na
makababa. Matapos ibigay ang kanyang bayad at nagpasalamat ay umalis na rin
agad ito. Mag-isa niyang tinungo ang gym na mayroong magarbong dekorasyon at
malakas na musika na nanggagaling sa naglalakihang sound system. May pa DJ pa.
Papasok
pa lang ay agad siyang sinalubong ng mga pamilyar na mukha—mga kaklase na hindi
na niya nakikita mula noong nagtapos sila ng high school. Lahat ay nagtatawanan
at nag-uusap na para bang kaydami ng mga naging kaganapan sa buhay-buhay na
dapat ibahagi sa kausap. Tulad ng inaasahan ay halos lahat ng naroroon ay may
magandang propesyon. Nakikita iyon sa mga naging kasuotan nila. May nakasuot ng
executive attire, doctor, pulis at maraming nakasuot ng uniporme ng guro.
Agad
niyang hinanap si Sir Rolly. Nang makita niya ay agad niyang itinulak ang
kanyang silyang de-gulong papunta roon.
Habang
tinutungo ang kinaroroonan ng kanyang dating guro ay napansin niyang may mga matang nakatingin sa
kanya. Ang iba ay may mga ngiting may halong kutya, ang iba naman ay parang
walang pakialam na nagpatuloy sa pag-uusap matapos siyang tapunan ng hindi
interesadong tingin.
Hindi
na bago sa kanya ang ganitong klaseng pakiramdam. Sanay na siya ganitong
sitwasyon mula pa man noon. Sanay na siya sa mga tingin sa kanya na para bang
isa siyang nakababang nilalang o di kaya
ay isang nakakadiring bagay. Pero hindi niya iyon binigyan ng pansin. Sa
ngayon, wala na siyang pakialam sa mga taong ang pakikitungo sa tao ay naka
base lang sa panlabas na anyo at sa kakayahang bumili ng mga mamahaling
kagamitan at luho sa katawan.
“Mark!”
malakas at masayang tawag sa kanya ng kanyang guro. Patakbo itong lumapit sa
kanya at nakipag-kamay. Tinaggap naman niya ang pakikipag-kamay nito. “Mabuti
naman at nakadalo ka. Akala ko talaga ay tatanggihan mo ang aking imbitasyon.”
“Dumalo
po ako rito para sa inyo. Ayoko pong magtampo sa akin ang aking pinapaboritong
guro noong high school.”
“Ikaw
talaga. Halika, ipapakilala kita sa aming principal.” Iginiya siya nito sa
kinaroroonan ng isang matandang lalaki na nakasuot ng kulay puting barong at
may garland sa leeg. Matapos siyang ipakilala ay inanyayahan siya nitong doon
na maupo sa tabi nito sa taas ng entablado ngunit tumanggi siya at sinabing
hindi rin siya magtatagal dahil dadating sa araw na iyon ang kanyang mama
galing sa check up nito sa siyudad. Kahit anong pilit nito pati ng kanyang guro
ay magalang niya iyong tinaggihan. Matapos ang isang maikling kumustahan at
pag-uusap ay mas pinili niyang doon na lang sa may bandang gilid pumuwesto.
Manaka-naka
niyang tinitingan ang kanyang cellphone para tingnan kung may mensahe na mula
sa kanyang mama. Kaya kasi siya nag-tricyle papunta roon dahil isasabay na
lamang siya ng mga ito sa pag-uwi sa bukid.
“Uy,
Mark.” Nilingon niya ang boses sa kanyang likuran. Isang lalaki. Nakasuot ito
ng uniporme ng pulis. Sa pagkaka-alala niya ay isa iyon sa mga kaklase niyang
palagi siyang inaasar dahil hindi siya makalad nang tuwid. “Kumusta?”
nakangiting tanong nito pero hindi niya alam kung galing ba sa puso o may iba
pang ibig sabihin.
“Mabuti
naman ako, Rigor,” maikling tugon niya.
"Ikaw
lang yata ang naka-ganitong damit, ah?" sabay turo sa suot niya, isang
puting t-shirt na de-manggas na mukhang maluwag at may naka imprintang pangalan
ng isang brand ng abono na ibinibenta sa kanya. Tulad ng inaasahan niya ay may
halong pangungutya sa boses nito. Tunay ngang ang tao ay nakapahirap magbago
lalo na kung iyon na ang nakasanayang ugali. Mas lalo pang lumalala kapag
nadagdagan ang mga narating sa buhay. “Magsasaka ang attire mo. Ibig bang
sabihin ay sumunod ka talaga sa yapak ng nanay mo na magsasaka?” Biglang
napantig ang kanyang tenga sa narinig. Kaya niyang tanggapin ang pang-aalipusta
sa kanya ngunit hindi niya kayang tanggapin ang mga pang-iinsulto para sa
kanyang mama.
"Tama
ka, Rigor. Ganun pa rin. Nandiyan pa rin ako sa bukid, tumutulong sa mama
ko," sagot ni Mark. "Hindi naman lahat ng tao kailangan ng uniporme
para masabing matagumpay sa buhay, 'di ba? Basta't masaya ka sa ginagawa mo at
wala kang inaapakang tao. Iyon ang tunay na tagumpay para sa akin. Isa akong
magsasaka at walang masama sa trabahong iyon," dagdag pa niya.
Hindi
ito nakasagot kaagad. Dahil marahil sa pagbabago ng tono ng pagsasalita niya. Maya-maya
pa ay tumawa ito nang malakas. Tinapik nito ang kanyang balikat.
“Ikaw
naman, biro lang. Alam mo naman mahilig akong magbiro sa iyo noon pa man, di’ba?”
biro lang pala para rito ang mga masasakit na salitang namutawi sa bibig nito
ngunit para sa kanya iyon ay mas matalim pa sa kutsilyong tumarak sa buo niyang
pagkatao. “Anyways, doon ka pa rin ba sa bahay kubo niyo nakatira? Iyong gawa
sa kawayan tapos ang bubong ay trapal lang?” Hindi pa rin ito natatapos.
“Oo,”
maikling tugon niya dahil hindi na siya komportableng kausap ito. Ayaw niyang patulan
ang mga pang-iinsulto nito sa kanya kaya pilit niyang pinakalma ang sarili. Gawa
man sa kawayan at trapal ang bubong ngunit naging inspirasyon niya iyon para
magsumikap. Ang bawat bituin na sumisilip sa butas na sa tuwing malakas ang
ulan ay tumutulo pa at ang malamig na hanging lumulusot sa dingding ay isa sa
mga dahilan para abutin niya ang kanyang mga pangarap kahit siya ay may
kapansanan. Maliit man ang kubo nila ngunit malaki at matibay naman ang
pangarap na nabuo nang dahil doon.
“Mabuti
kung ganoon. May pupuntahan kasi kaming malaking farm doon. Makikipag-sosyo
kami ng kaibigan kong general. Bibili kami sa may-ari ng dalawampung baka at
isang libong piraso na sisiw. Alam mo naman maliban sa regular na sahod dapat
may negosyo tayo para extra income. At dahil taga-roon ka ay samahan mo naman kami. Hindi kasi namin kabisado ang
papunta roon.” Biglang kumunot ang noo niya.
“Farm?”
“Oo.
Teka, hindi mo alam na may farm malapit sa inyo?” takang tanong nito sa kanya
pagkuwa’y tinampal ang sariling noo. “Ay, pasensya na, Mark. Nakalimutan kong
hindi ka nga pala makalakad kaya marahil hindi mo alam ang mga nangyayari doon
sa inyo.”
“Alam
mo, Rigor. Wala ka pa ring pinagbago-“
“Syempre
naman,” putol nito sa sasabihin niya.
“Mayabang
ka pa rin. Mahilig ka pa ring manghamak ng kapwa mo,” tahasang wika niya rito
dahil para hindi ito maka-imik. Hindi yata nito inasahan na papatulan niya ang
mga pangungutya nito sa kanya. “Kung dahil lang sa pagiging magsasaka ko ay
tatapakan mo na parang tae ang aking pagkatao ay mukhang nakalimutan mo yata na
isang marangal na trabaho ang mayroon ako. Walang masama sa pagiging magsasaka,
Rigor. Ang masama ay ‘yung mga taong mababa ang tingin sa mga kagaya ko,”
matigas ang boses na wika niya. Sasagot pa sana ito ngunit biglang pumainlang
ang boses ng emcee hudyat na magsisimula na ang programa. Siya naman ay
itinulak na ang silyang de-gulong palayo rito. Susundan pa sana siya nito ngunit
biglang tinawag ang kanyang pangalan.
“Bago
po natin pormal na simulan ang ating programa ay nais naming pasalamat si
Architect Mark Alcazaren sa kanyang donasyon sa pagpapatayo nitong bagong gym
natin at sa walang sawa niyang pagtulong sa ating eskwelahan. Maraming salamat
po, Architect Mark at marami rin po palang salamat sa iyong donasyon na lechong
baka at baboy na galing pa sa inyong farm. Sana ay pagpalain pa kayo ng
Panginoon dahil sa iyong nakapabuting puso.” Ramdam niya na halos lahat ng
tingin ay napunta sa kanya. Tingin na hindi makapaniwala. Maging si Rigor ay
parang ipinako sa kinatatayuan nito. Tulad
ng sabi ng emcee ay isa na nga siyang Architect ngayon. Ngunit nasa bahay
lamang siya dahil ang mga kliyente niya mismo ang pumupunta sa kanya para
magpagawa ng mga disenyo. At ang lupang sinasaka nila ay mas lalo pang lumawak.
Ang lupain nila ay nadagdagan na siyang ginawa niyang farm. Ang dati nilang bahay
kubo ay isa nang malawak na mansyon. Ang magandang bahay na dati ay iginuhit
lang niya, ngayon ay doon na sila nakatira ng kanyang mama. Salamat sa mga
taong hinahamak sila ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na abutin ang kanyang
pangarap sa buhay. Mahirap pero ang mahalaga, naging matagumpay siya.
Matapos
siyang pasalamatan ay mayroong nagtangkang lumapit sa kanya pero biglang
tumunog ang kanyang cellphone. Agad niyang tinawang ang pansin ni Sir Rolly
para magpaalam. Maya-maya pa ay tumigil sa labas ng gym ang isang Rolls-Royce
La Rose Noire Droptail. Mula roon ay kumakaway na tinawag siya ng kanyang mama.
Bumaba sa sasakyan ang kanyang driver at tinulungan siyang makasakay. Bago pa
sila umalis ay binigyan ng isang ngiti na punong-puno ng nakaraming kahulugan
si Rigor.
Ang kwentong ito ay kalahok sa Saranggola Awards 2024 [Maikling kwento].
Comments
Post a Comment