Ang Palabas at Ginto
“Ang Palabas at Ginto”
“Ador!
May palabas na naman daw na nangyari kagabi!” Kalampag ng kalaro niyang si
Onyok sa kawayan nilang dingding. Pagkarinig sa sinabi nito’y agad siyang
bumangon at walang hilamos na hinanap ang gomang tsinelas.
“Talaga?
Saan nangyari ang palabas?” Masayang bungad niya sa kaibigan bago kinuha ang
lata ng gatas sa gilid ng kubo nila na may litrato ng matabang oso.
“Sabi
ni kuya, doon daw sa kabilang baryo. Naalala mo yung pinuntahan natin noong
kaarawan ni Natoy? Doon sa bukid na maraming star apple at kamote.” Sagot ni
Onyok na tulad niya ay nasa sampung taon pa lamang at kapwa huminto sa
pag-aaral dahil sa sarado na lahat ng paaralan sa baryo nila.
“Malayo
pala?” Nag-aalangang sambit niya. Sigurado siyang pagagalitan siya ng tatang
niya kapag nalaman nitong namulot ulit siya ng ginto.
“Ano,
sasama ka ba?” Siniko siya nito.
Napatingin
siya sa hawak na lata. Kapag napuno niya iyon ng ginto, makakabili na siya ng
paborito niyang lomi at limang kard ng paborito niyang sikat na palabas sa
telebisyon na si batman. Bahala na, naisip niya. Mawawala rin naman ang sakit
ng puwet kapag papaluin siya mamaya. “Syempre naman. Halika, daanan natin sa
bahay nila si Kardo para may isa pa tayong kasama.”
“Ayos.
Unahan tayo papunta sa kanila. Ang mahuli ay gagawing kabayo katulad kahapon.”
Ani Onyok na nauna nang tumakbo sa kanya. Hinubad niya ang sapin sa paa at
buong bilis na sumunod dito. Syempre ayaw niyang magpatalo. Ayaw niya ulit
gawing kabayo.
Ilang
sandali pa ay naghahabulan na silang tatlo na naglalakad papunta sa kabilang
baryo.
“Alam
niyo ba kagabi, nag-away na naman sila nanay at tatang. Niyaya yata si tatang
ng kaibigan niyang maraming begote na kulay puti na sumali sa palabas pero ayaw
pumayag ni nanang.” Ani Kardo na pinapatik na parang tambol ang hawak na lata.
“Yung
nakakatakot na manong? Yung may malaking itak at kakaibang laruan?” Tanong
niya.
“Oo.
Sabi ni nanang, kapag daw sumali sa palabas si tatang, aalis daw kami at iiwan
namin siya. Pupunta raw kaming menila. Hindi ba malungkot kapag walang tatang?”
Sabay silang napatingin kay Onyok. Sumali rin kasi sa palabas ang tatang nito
pero hindi na bumalik.
Yumuko
ito. “Malungkot kasi ako na ang nag-iigib ng tubig namin araw-araw. Tapos si
Nanang ang ingay-ingay tuwing gabi. Palaging umiiyak. Hindi tuloy kami
makatulog ni Elay.”
“Marami
nang walang tatang sa atin. Mabuti pa si Ador. Nandyan pa rin tatang niya.”
“Ayaw
kasing sumali ni tatang. Pinalo pa nga ako minsan noong pinilit ko siyang
sumali.”
“Ano
ba talaga ang nangyayari sa palabas maliban sa gumagawa sila ng ginto? Hindi ba
nasabi sayo ng tatang mo bago siya umalis?” Muli silang napatingin kay Onyok.
Nagkibit
balikat lang ito. “Pagkagising ko, wala na siya. Ni hindi man lang nagpaalam sa
amin.”
Tinapik
niya ang balikat ni Onyok. “Huwag kang mag-alala. Pangarap ko ring sumali sa
palabas para ako ang mauna at maraming mapulot na ginto. Kapag nakita ko ang
Tatang mo, sasabihin kong umuwi na muna siya para mag-igib sa inyo.”
“Talaga?”
“Oo
naman.”
“Ang
galing mo talaga, Ador!” Bilib na bilib na bulalas ni Kardo sa kanya habang
siya naman ay tuwang-tuwa dahil sa nakikita na niya ang bungad ng baryo na
sadya nila. Ilang oras din silang naglalakad bago nakarating.
“Malapit
na pala tayo o.”
“Unahan
ulit?” Sabik na sambit ni Onyok na handa nang tumakbo.
“Sige
ba. Bibilang ako ng tatlo-”
“Tumigil
ka, Onyok. Hindi ka marunong magbilang.” Aniya na nagsimula nang tumakbo.
Hinapit niya ng mahigpit ang hawak na lata. Kailangan niyang makarami. Noong
isang linggo pa siya nakatikim ng lomi.
Napakamot
na humabol na lamang sa ito sa kanilang dalawang ni Kardo na nauna nang
tumakbo.
Pagdating
nila sa pinangyarihan ng labanan ay may ilang bata na ang nauna sa kanila.
Kanya-kanya na silang diskarte sa paghahanap ng ginto. Sa dakong maraming puno
siya tumungo. May nakapagsabi kasi sa kanya na sa puno raw kadalasang
pumupwesto ang gumagawa ng ginto. Agad siyang yumuko para maghanap. Hinalukay
niya ang mayayabong na damo. Matagal daw ang naging palabas kagabi kaya
sigurado siyang marami silang gintong mahahanap.
“Ginto!”
Napatingin siya kay Kardo na nagtatalon dahil nakakita na ito ng ginto.
Hawak-hawak nito ang kulay dilaw na metal na nagniningning sa tuwing tinatamaan
ng sikat ng araw. Bigla niyang nalasahan ang lomi sa bibig niya.
Mas
lalo niyang pinag-igihan ang paghahanap. Pawisan at naghalo na ang amoy niya
mula pa kahapon pero hindi siya tumigil.
Pagapang
siyang pumunta sa bahaging mas mayabong ang mga damo. Baka mas marami siyang
mahanap dahil mukhang wala pang batang dumako doon. Lahat na pwedeng halukayin
ay ginawa niya.
Ginto?!
Sabik
na sabi niya sa sarili nang may makapang matigas na bagay sa maputik na lupa.
Mabilis ang mga kilos na hinukay niya iyon.Nanlaki ang mga mata niya sa nakita.
Hindi lang isang ginto kundi maraming ginto! Sobra pa iyon sa latang dala niya.
“Ginto!”
Nagtatalon na sigaw niya. “Kardo, Onyok tingnan
niyo, maraming ginto!” Tawag niya sa dalawang kaibigan.
“Talaga?”
Nagtakbuhang lumapit sina Onyok at Kardo sa kanya.
“Tingnan
mo! Kinulayan pa ng kulay pula!”
“Ang
swerte mo, Ador! Sobrang dami nga! Pahingi naman kami.” Ani Kardo.
“Oo
ba. Ibibigay ko sa inyo ang hindi kasya rito sa lata ko basta samahan niyo
akong bumili ng kard ni batman.”
“Sige,
sige!” Sabay na sambit ng dalawa na tinulungan siyang punuin ng ginto ang lata
niyang dala.
Kayaman
na sa kanila ang makakita ng ginto. Gintong naliligo sa kulay pulang likido na
galing sa taong ipinaglalaban ang sariling paniniwala at relihiyon. Ginto na
siyang dahilan kung bakit halos ng bata sa kanilang baryo ay wala nang matawag
na tatang.
Sa
murang isip ay wala silang muwang sa mga tunay na nangyayaring nagaganap, ang
alam lang nila, bawat ginto ay may kapalit na pera at kapag may pera ka,
makakabili ka ng lomi at kard.
“Ang
dami nito, Ador!”
Tuwang-tuwa
silang tatlo dahil sa halos napuno ng ginto ang mga lata nila.
“Sana
palaging may palabas sa baryo.”
“Oo
nga!” Aniya sabay tawa ng malakas.
Sila
ang itinuturing na pag-asa ng bansang tahanan ng matikas na agila at
mahalimuyak na bulaklak ng sampaguita, ang Pilipinas. Pilipinas. Ang bansang
mas pinagtutuunan ng pansin ang mga isyung walang maitutulong sa bayan. Ang
bansang mas interesado sa kung ilang beses naghiwalay ang mag-asawang artista.
Ang bansang walang pakialam kung inaangkin man ng ibang bansa ang nasasakupan
basta’t makapag-post lang sa twitter at facebook ng bago nilang inat na buhok.
Ang bansang pilit na sinasapawan ng mga kasinungalingan ang mga totoong nangyayari.
Ang bansang pinamumunuan ng mga sakim at uhaw sa kapangyarihan. Ang bansang
nagbebenta ng mga donasyon galing sa
ibang bansa. Ang bansang sikat dahil sa korupsyon. Ang bansang Pilipinas, ang
bansang unti-unti nang nawawalan ng sinag galing sa haring araw na siyang
simbolo ng bagong pag-asa.

Comments
Post a Comment