Puso
Araw ng sabado.
Huling umaga ng buwan ng Nobyembre. Bukas,
pagsikat ng araw ay magsisimula na akong magbilang ng mga nalalabing araw bago
ko muling makikita si Mama. Masaya ako na natatakot. Masaya dahil sa wakas,
matapos ang halos anim na taon ay makikita ko na siyang muli. Natatakot dahil
baka hindi na niya ako maabutan.
“Emily, may masakit ba sa iyo?
Sandali, tatawag ako ng nurse.” Pinigilan ko si Ate Faith sa pamamagitan ng
paghawak sa kanyang kanang braso.
“Okay lang ako, Ate.” pinilit kong
ngumiti sabay pahid sa mga luha sa aking pisngi na hindi ko namalayang tumulo
na pala. “Naalala ko lang si Mama. Gusto ko na siyang makita.”
“Kami rin naman. Lahat naman yata
tayo ay sabik na makita siya ulit kaya magpalakas ka. Masisiyahan iyon kapag
nakita ka niyang magaling na.”
Napatingin ako sa mga nakasabit sa
aking braso at ilong. Pinakiramdaman ko ang mahinang pagtibok ng aking puso.
“Natatakot ako, Ate. Bawat araw, pakiramdam ko ay lalo itong humihina na para bang nababawasan ang
pagtibok ng puso ko sa mga segundo at minutong lumilipas. Paano kung pagdating
ni Mama, wala nang tibok na natitira?” Muli na naman naglandas ang mga
makukulit kong luha kahit hindi ko gusto.
“Ano ka ba, Emily? Huwag kang
magsalita ng ganyan. Mas lalo mo lang tinatakot ang sarili mo.” sabi ni Ate
pagkuway niyakap na lamang ako ng mahigpit. “Matulog ka na muna.” anito sabay
kanta ng paborito kong awitin hanggang sa tuluyan nang lamunin ng antok ang buo
kong sistema.
Araw ng Huwebes.
“Ma, mas lalo pong lumalala ang
kondisyon ni Emily. Hindi ko na po alam ang gagawin. Sinabi ko sa kanyang uuwi
ka sa pasko.”
Mas masakit pa sa sakit na
nararamdaman ko ang aking narinig. Akala ko makikita ko na siyang muli.
Nasasabik na akong masilayan ang mukha niya kahit na halos hindi ko na maalala
dahil bata pa ako nang umalis siya. Matagal ko nang kinasasabikan ang makulong
sa kanyang mga bisig at maramdaman ang init ng isang mahigpit na yakap na
tanging mga nanay lamang ang makakapagbigay.
“Ang tagal niyo po diyan. Baka
pwedeng pakiusapan muna ang amo niyo na makauwi muna kayo kahit ilang araw
lang. Kahit ngayon lang. Ma, kailangan ka ni Emily. Kailangan ka namin.”
Napahagulgol na ng mahina si Ate bago tumingin sa akin kaya sinupil ko ang
sigok na kanina pa gustong kumawala.
“Hindi pa po kami nakakahanap ng
donor, Ma. Mas inuuna po kasi nila yung koneksyon at kung sino man yung may
malaking pera. Sinabi kanina ng doktor niya na dapat ay maoperahan na siya sa
mas lalong madaling panahon. Natutulog po siya. Sandali po. ” Narinig ko ang
mahinang yapak papunta sa aking kinahihigaan.
“Anak? Emily...hindi mo man ako
naririnig ay gusto ko pa ring sabihin sa iyo na mahal na mahal kita. Huwag kang
mag-alala, pipilitin ko ang amo ko rito na payagan akong umuwi ngayong pasko
kahit na kailangan ko pang tumakas para makauwi lang. Ganito kasi, ‘nak, ayaw
akong payagan ng amo ko na umuwi kasi baka daw hindi na ako bumalik at hindi ko
na mababayaran ang mga utang ko sa kanila. Sabik na akong makita kayong muli. Gusto
kong makita kung gaano ka na kataas o maliit ka rin ba tulad ko. Magpagaling
ka, Emily. Hintayin mo si Mama.” Wala na akong narinig pagkatapos niyon maliban
sa malakas na iyak niya.
“Sige po, Ma. Tatawagan ko po agad
kayo kapag may nahanap na kami. Huwag kayong mag-alala sa amin. Inaalagaan kami
ng mabuti ni Tiyang dito. Mag-ingat ka po diyan. Kapag sinaktan ka nila ulit,
magsumbong na po kayo sa embahada. Opo. Bye.”
Hinintay ko munang lumabas ng kwarto
ko si Ate Faith bago pinakawalan ang mga luha ko. Wala na akong pakialam kung
may makarinig man dahil ang gusto ko lang ay mailabas lahat ng sama ng loob at
hinanakit sa mundo na pilit kong sinusupil sa kaibuturan ng aking pagkatao.
Ramdam ko ang unti-unting pagsikip ng aking dibdib.
“Ate…. Ma…” mahinang usal ko
hanggang sa unti-unti nang nilamon ng kadiliman ang buong paligid.
Araw ng
Biyernes.
Nagising akong tanging tunog lang ng
makinang nagsasabing buhay pa ako ang aking naririnig. Nag-iisa lang ako sa
aking silid. Huling naalala ko ay narinig kong nag-uusap sina Mama at Ate
Faith.
“Emily…” biglang bumukas ang pinto
at inuluwa niyon si Ate Faith na mugto ang mga mata. Marahil ay dahil sa puyat
sa pagbabantay sa akin. “Mabuti at gising ka na.” Mahigpit niya akong niyakap.
“Ate…. anong nangyari?” mahinang
tanong ko. Nakaramdam ako ng uhaw.
“Nawalan ka ng malay. Sinabi ng
doktor na kailangan mong maoperahan sa loob ng tatlong araw dahil kung hindi ay
baka tuluyan ka nang mawala sa amin. Pinag-alala mo kami ng husto.”
“Ganoon ba?”
“Sandali, tatawagin ko muna si Dok
para sabihing nagising ka na.” tumango lang ako bilang tugon.
“Ate?” tawag ko sa kanya bago pa
siya tuluyang makalabas.
“Anong petsa ngayong araw?” Hindi
siya kaagad nakasagot. Lumungkot ang hilatsa ng mukha nito.
“Pasko ngayong araw, Emily.”
“Si Mama.” saglit itong natigilan.
Para itong ipinako sa kinatatayuan. “Hindi siya dumating, tama ba ako? Narinig
ko kayong nag-uusap.”
“Matulog ka na muna ulit.” hindi
nito sinagot ang tanong ko.
Araw ng Huwebes.
Huling araw ng taon. Hindi ko alam
ang dapat kong maramdaman. Malungkot ako dahil parang may tinatago sila sa akin
tungkol kay mama. Masaya dahil halos lahat ng nakikita ko ay pawang may mga
ngiti sa labi dahil panibagong taon na naman ang sasalubong sa amin kinabukasan.
Maliban pa roon ay marami ring pagkain inihanda si Ate. Dadating din daw sina
Papa at Kuya Roly mamaya. Nagpasya akong matulog na muna dahil ilang oras pa
ang hihintayin ko bago sila dumating.
“Emily….” nagising ako dahil sa
mahinang pagyugyog ng aking balikat. Pagmulat ko ay mukha ni Ate Faith ang bumungad sa akin.
“Ate.. anong oras na ba?”
Hindi ito sumagot. Mula noong
nagising ako matapos ang operasyon ay palagi nang mugto ang mga mata niya.
Palagi niya akong tinatalikuran sa tuwing magsisimula akong magtanong patungkol
kay mama. Inisip ko na lang na baka
malungkot din siya dahil hindi pinayagan si mama na makauwi at ayaw niyang
malaman ko iyon dahil mas lalo lang akong malulungkot.
“Isang oras bago magpalit ang taon”
umupo siya tabi ko. “May ibibigay nga pala ako.” May kinuha itong sobre sa
bulsa pagkatapos ay iniabot sa akin.
“Ano ‘to?” kunot ang tanong na
sinipat ko iyon. Mukhang hindi naman pera ang nasa loob.
“Pinag-sisipan ko ng mabuti kung
ibibigay ko ba iyan sa iyo o itatapon na lang pero...karapatan mong makita kung
ano man ang laman niyan.’ aniya bago muling tumayo at tinungo ang pinto.
Naiwan akong hawak ang sobre at may
pagtataka sa mukha. “Ano ba ‘to?” binuksan ko iyon at bumungad sa akin ang
isang pirasong papel na may nakasulat ng kung ano.
Para
kay Emily,
Una
sa lahat, gusto kong humingi ng patawad dahil wala ako sa tabi mo kung kailan
kailangan mo ako bilang nanay mo. Pasensya na kung ilang ulit kong sinabi na
uuwi ako pero hindi nangyari. Gusto kong malaman mo na gustong-gusto ko na ring
makauwi at mayakap kayong lahat pero hindi maaari. Hindi ko hawak ang sarili
kong oras dito sa ibang bansa. Bawat galaw ko rito ay limitado lang pero hindi
ako nakakaramdam ng pagod sa tuwing naiisp ko na para sa inyo ang lahat ng
pagod at hirap ko rito. Pero huwag kang mag-alala dahil mula ngayon ay hindi na
kita iiwan. Hindi na ako aalis sa tabi mo. Palagi mong tatandaan, nandyan lang
palagi ako sa puso mo. Mahal na mahal kita. Huwag mong kakalimutan.
Hindi ko maintindihan ang ibig
sabihin ng sulat pero bigla akong napahawak sa bandang dibdib kong may benda
pa. Para akong binuhusan ng isang balde ng tubig. Bakit? Bakit kailangang
mangyari sa amin ang lahat ng ito? Bakit sa amin pa?
“Ma….”

Comments
Post a Comment