Boarding House

 

Boarding House

 

“Mabait daw ang may-ari ng boarding house sabi ng kaklase ko. Wala ring problema sa tubig at kuryente. Tahimik din daw dahil kaunti pa lang ang mga nangungupahan na karamihan ay mga estudyante rin tulad natin.” Napatango lang siya habang nakikinig kay Giselle. Pupuntahan nila ngayon ang bagong boarding house na lilipatan nila. Naghanap sila ng bagong mauupahan dahil hindi maganda ang ugali ng may-ari ng dati nilang inuupahan. Maliban sa pumapasok ito sa kanilang kwarto ng wala nilang pahintulot ay masyado pa itong mataas maningil ng bayad para sa kuryente at tubig.

Lumiko sila sa isang kanto at mula roon ay naglakad pa sila ng halos limandaang metro bago narating ang isang bahay. Bukas ang gate kaya pumasok na lang sila sa loob. Para iyong bahay na nakatayo sa gitna ng mga punongkahoy. Marami kasing mga puno at ang mukhang ilang libong taon nang nakatayo base sa laki ng mga iyon. Limang katao pa yata ang kailangan bago mayakap iyon ng buo.

“Here we are!” tumigil sila sa harap ng bahay. Pinasadahan niya ang tingin ang kabuuan nito. Sementado ang kabuuan ng bahay ngunit halatang luma na. Maraming na kasing lumot at natatanggal na rin ang pintura. “Wait lang, kakatok me.” Matapos ang tatlong katok ay agad namang bumukas ang pinto. Iniluwa niyon ang isang babae na halata na sa mukha ang katandaan. Mukhang mabait naman at pakiramdam niya ay magkakasundo sila.

“Kayo ba ang tumawag kanina na mangungupahan dito sa amin?”

“Ako po iyon, Tita Grace. Ito naman po ang kaibigan kong si Ann.”

“Pasok kayo sa loob kung ganoon.” Iginiya sila nito papasok sa loob. Pagpasok nila ay bumungad sa kanila ang hindi kalakihang salas. Sa tabi niyon ang kusina at tatlong magkakatabing mga banyo. “Dito tayo.” Lumiko sila pakanan kung saan naroon ang mga kwarto. Limang kwarto lahat at mukhang silang dalawa pa lang ang tao roon. Pinasok kasi nila ang lahat ng kwarto para makapili sila. Dalawang kama bawat kwarto na agad niyang nagustuhan dahil ibig sabihin, dalawa lang sila ni Giselle sa isang kwarto.

“Wala po bang curfew?” kinurot niya ng mahina ang kaibigan. Palibahasa madalas itong inaabot ng madaling araw dahil mahilig itong lumabas at mag night out kasama ang ibang mga kaibigan. Siya lang yata ang naging kaibigan nitong hindi umiinom.

“Mayroon pero bibigyan ko kayo ng sarili niyong susi sakaling gabihin kayo ng uwi. Ayaw kasi ng asawa ko nadidistorbo tuwing gabi. Napatango siya sa sinabi nito. Kunsabagay, maging siya ay maiinis kung may didistorbo sa pagtulog niya lalo pa at hihiram lang naman pala ng susi.

“Thanks god!” napailing na lang siya sa reaksyon ni Giselle. Para kasi itong nanalo sa lotto.

“Two months advance at one month deposit ang kailangan niyong bayaran bago makalipat. Maaari kayong magdala ng rice cooker o di kaya ay electric fan ngunit may dagdag na one hundred pesos kayong babayaran bawat buwan.”

Nakahinga siya ng maluwang. Mabuti na lang at may extra pa siyang pera mula sa allowance na pinapadala ng mama niyang nagtatrabaho sa abroad.

“Kailan niyo ba gustong lumipat?”

“Bukas po, Tita Grace.”

“Mabuti kung ganoon.”

 

 

Kinabukasan ay maaga silang nagising para mag-ayos. Kagabi pa sila nakapag impake ng kanilang mga gamit kaya hinintay na lamang nilang magising ang kanilang landlady para makapagpaalam. Kadalasan kasi alas nuwebe na ito nagigising.

“Nakaka-highblood talaga ang matandang yun!” inis na reklamo ni Giselle habang sakay na sila ng taxi. Nang makita kasi sila ng landlady nila ay agad sila nitong binulyawan at sinabing lumayas na. “Aba, wala tayong naging atraso sa kanya. On time tayong magbayad ng upa at never pang hindi nagbayad. Pasalamat nga siya at hindi ko na siya siningil sa hiniram niyang bag na hindi na binalik.”

“Hayaan mo na. Ang importante nakaalis na tayo roon.”

“Makarma sana siya. Nakakabwisit!”

“Kalma lang friend. Hahaha.” Natatawa na lamang niyang tinapik ang balikat nito.

Matapos ang bente minutos ay nakarating na sila sa bago nilang boarding house. Nakaabang na sa labas si Tita Grace na para bang hinihintay talaga sila. Tinulungan pa sila nitong maghakot. Nahihiya man ay wala na silang nagawa dahil nagpupumilit ito. Tig tatlong libo ang bayad nila ni Giselle. Ang pinakahuling kwarto ang napili dahil dalawa ang bintana niyo. Gusto kasi niya ng sariwang hangin lalo pa kapag nag-aaral siya. Nakaharap iyon sa mapunong bahagi kaya sigurado siyang sariwa ang hangin na palagi niyang malalanghap mula ngayon.

Wala naman siyang maraming gamit kaya natapos niya agad ang pag-aayos ng mga gamit. Matapos mag-ayos ay naligo na muna siya bago nagbasa ng notes niya sa english. Next week na kasi ang prelim exam kaya kailangan niyang mag advance study dahil may hinahabol siyang grades. Running for latin honor kasi siya kaya kailangan niyang mag-aral ng mabuti.

“Hoy, tama na ‘yan.” Kinuha niyo ang libro na hawak niya at itinago sa loob ng damit nito.

“Ibalik mo yan!”

“Ann naman! Sumama ka sa amin ng mga friends ko. Punta tayo ng smallville.”

“No.” pinandilatan niya ito ng mata. Alam niya kasing puro bar ang binanggit nitong lugar. “Isa pa, baka nakakalimutan mong prelim na natin next week?”

“I know right? Kaya nga unwind muna bago stress. Come on!”

“No, hindi ako sasama. That’s final and irrevocable.”

“Ewan ko sayo. Bahala ka sa buhay mo.” Inirapan siya nito bago bumalik sa harap ng salamin para maglagay ng fake eyelashes. Kinuha na rin nito ang libro niya sa loob ng damit nito at inihagis sa kanya.

“Huwag kang umuwi ng madaling araw! Delikado sa daan. Tawagan mo ako kapag pauwi ka at susunduin kita sa labasan.” Pahabol pa niya bago ito lumabas ng pinto.

“Yes mom.”

Napailing na lang siya. Kahit kailan talaga. Ilang beses na niya itong pinagsabihan ngunit hindi ito nakikinig. Pinagpatuloy na lang niya ang pagbabasa. Tumigil lang siya nang mapansing madilim na pala sa labas. Ang bilis talaga ng oras. Parang kanina ay alas otso lang ng umaga tapos ngayon maga-alas sais na.

Nag-iinat ng balikat na lumabas siya ng kwarto. Dala niya ang dalawang itlog, mantika at asin. Tinatamad na siyang bumili ng ulam sa labas kaya magluluto na lang siya ng itlog. Sabi kasi ni Tita Grace ay pwede nilang gamitin ang mga gamit sa kusina. Matapos magluto ay kumain ay nagpasya siyang magpahangin muna sa labas. Mamaya na lang ulit siya magbabasa.

Malayo sa ibang kabahayan ang boarding house at napapalibutan pa ng mataas na batong pader. Safe na safe sila sa mga masasamang loob. Napatingin siya sa isang maliit na bahay na gawa rin sa bato. Iyon ang bahay nina Tita Grace. Mukhang walang tao dahil hindi nakabukas ang mga ilaw. Baka bumili ng ulam o di kaya ay namasyal sa labas.

Naglakad-lakad lang siya saglit bago nagpasyang pumasok na ulit sa loob. Isasara na sana niya ang pinto nang makarinig ng malakas na kalabog sa bahay nina Tita Grace. Bigla siyang kinabahan.

Magnanakaw?” piping tanong niya sa isip.

Natatarantang nag text siya kay Giselle na umuwi na kaagad bago naghanap nang pwedeng panlaban kung sakaling may masasamang loob nga sa loob ng bahay. Kinakabahan man ay marahan siyang naglakad papunta sa kinaroroonan ng bahay. Sumiksik siya sa gilid at tinalasan ang pakiramdam. Hinigpitan rin niya ang pagkakahawak sa kutsilyo na nakita niya kanina sa kusina. Muntik pa siyang sumigaw nang makarinig ulit ng isang malakas na kalabog na para bang may nabasag na kung ano.

“Patayin na natin siya!” nanlaki ang mga mata niya sa narinig.

Hindi pa pwede! Magtiis ka na muna.”

Matagal na akong hindi nakakatikim ng laman ng tao!”

“T-tao?” halos hindi na lumabas sa bibig niya ang kanyang sinabi. Marahan siyang sumilip sa giwang ng bintana. “My god…” natakpan niya ang mga bibig sa nakita. Kausap ni Tita Grace ang isang rebulto na walang mata ngunit may isang napakalaking bunganga na may mahahabang pangil  at my mahabang buntot na unti-unting gumagalaw.

“Umalis ang isa kaya isa na lang ang natira. Hintayin na muna nating bumalik bago natin patayin ng sabay. Mas mabubusog ka kapag dalawa sila.”

            Nabitawan niya ang hawak na kutsilyo.

            “Kami ba ang tinutukoy nila?”

            “Sino yan!” boses iyon ni Tita Grace.

            Agad siyang tumakbo ng mabilis. Hindi na siya bumalik sa boarding house. Kung sasali siya sa olympics, sigurado siyang makukuha niya ang first gold medal para sa Pilipinas dahil sa bilis na kanyang takbo. Nakahinga lang siya nang maluwang nang mapansing nasa labasan na siya kung saan maraming nang taong dumadaan. Kinapa niya ang bulsa. Mabuti na lang at nasa bulsa niya pala ang cellphone.

            “Thanks God!” naluluhang tinawagan niya si Giselle.

            “Hey Ann-“

            “Umuwi ka na ngayon din!”

            “Sandali lang guys.” Nawala ito saglit. “May problema ba?” Nasa boses na nito ang pag-aalala.

            “M-Magkita tayo sa jollibee. Doon sa palagi nating kinakainan. Huwag na huwag kang babalik sa boarding house!”

            “May nangyari ba?”

            “Basta!” naiiyak niyang sigaw kaya tumahimik ito.

            “Sige. Hintayin mo ako.”

            Pinahid niya ang mga luha. Ngayon lang niya mas lalong naramdaman ang takot. Pagdating sa highway ay agad siyang sumakay ng jeep. Dahil walang pera ay pasimple na lang siyang bumaba kasabay ng isang lalaki na bumaba malapit sa destinasyon niya.

            Pagdating niya ay naroon na si Giselle sa labas. Agad siya nitong sinalubong ng yakap. Siya naman ay hindi matigil ang pag-iyak. Pinagtitinginan na nga sila ng ibang kumakain.

            “What?!” hindi makapaniwalang sambit nito matapos niyang magkwento. “Pero paanong nangyari iyon?”

            “Hindi ko rin alam. Pero totoo ang sinasabi ko, Giselle! Kitang-kita ko ang paggalawa ng rebulto. Dinig na dinig ko ang usapan nila!”

            “Okay, okay. I believe in you. Tatawagan ko sina kuya na samahan tayong balikan ang mga gamit natin doon bukas na bukas din.” Napatango na lang siya. Nanginginig pa rin siya takot.

            Kinabukasan ay binalikan nila ang boarding house ngunit wala nang tao roon maliban sa mga wasak na gamit. Kinuha na lang nila ang kanilang mga gamit at pansamantalang tumuloy sa apartment ng Kuya ni Giselle. May naniwala sa kanya pero karamihan ay nagkibit balikat lang. Pero siya, sigurado siya sa nakita niya! Nasa modernong panahon man tayo ngayon ngunit may mga nilalang pa rin na hindi maipaliwanag ngunit totoong nabubuhay pa rin hanggang ngayon.

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

LIBRARIAN'S LICENSURE EXAMINATION SEPTEMBER 2025 RESULTS

Pagtatampok ng Lemlunay, bagong Aklat ni Virgilio Almario

One Shot Story