Kulay Dugong Grado
Marahan siyang umupo sa
kanyang kama at napabuga ng malakas na hangin bago binuksan ang sulat galing sa
Inang niya.
Nanginginig ang mga
kamay na pinunit niya ang dulo ng sobre at malakas ang tahip ng dibdib na
sinimulang basahin ang nilalaman niyon.
“Nak, sabik na kaming lumuwas diyan para sa araw ng pagtatapos mo.
Nanghiram kami ng tatlong libong piso kay Kapitana para ibili ka ng bagong
barong kaya huwag ka nang mag-aalala sa susuotin mo. Sabi pa ng tatang mo ay
maglilitson daw kami ng manok at dadalhin diyan. Masyado siyang sabik sa
pagtatapos mo. Gab, pinasaya mo ng labis ang Nanang at Tatang dahil nagawa mong
tapusin ang kolehiyo kahit na naghihikahos tayo. Siyanga pala, sunduin mo kami
sa pantalan sa darating na linggo. Hindi namin kabisado ang pasikot-sikot diyan
at baka maligaw pa kami. Huwag mong kalimutan na magpasalamat sa Diyos. Mahal
ka namin.- Inang at Tatang.”
Biglang lumabo ang
paningin niya sa nabasa. Hindi niya namalayan na ang mga luhang kanina’y
nag-aamba pa lang ay tuluyan nang dumaloy sa kanyang pisngi. May kung anong
kirot siyang nadama sa dibdib. Bawat titik ay parang matulis na bagay na
tumutusok sa kanyang buong sistema. Pakiwari niya ay isa siyang sundalong nasa
gitna ng labanan na biglang naubusan ng bala. Hindi niya alam ang dapat gawin.
“Inang… Tatang…” sambit
niya sa pagitan ng paghikbi. “Patawad…” Inilapag niya ang sulat galing sa
magulang at kinuha ang isa pang sulat galing sa Dekano nila. Sinasabi roon na
bagsak siya sa isang asignatura. Kulay pulang titik F ang grado niya dahil sa
proyektong hindi niya nagawang ipasa. Kursong Inhinyero ang kinukuha niya at
isang globo na proyekto sa asignaturang History ang hindi niya nagawang ipasa
dahil sa medyo may kamahalan. Ayaw niyang humingi ng dagdag na pera sa mga
magulang dahil alam niyang hirap na hirap na ang mga itong kumayod makapag-aral
lang siya.
Sinubukan niyang
maki-usap sa kanyang guro pero mukhang malabo nang pagbigyan nito ang
hihilingin niya dahil sa alam niyang ayaw nito sa kanya.
Isa siya sa mga lider ng
mga estudyanteng oposisyon. Nakikipag-debate at nagra-rally sa labas ng
Administration Building para sa kapakanan ng mga estudyanteng mahirap katulad
niya samantalang ito ay Presidente ng Kapisanan ng mga Guro sa unibersidad na
pinapasukan niya.
Minsan, naisip niyang
tumigil na dahil halos lahat ng guro ay mainit ang mga mata sa kanya. Palagi
silang nagbibigay ng pagsusulit sa tuwing wala siya at naroon sa harap ng
eskwelahan sumisigaw ng “Mababang Matrikula para sa mga Estudyanteng Dukha!” Sa
tuwing susubukan niyang kumuha ng espesyal na pagsusulit ay triple ang hirap ng
mga tanong na ibibigay ng mga ito sa kanya pero sa awa ng Diyos ay halos lahat
ng mga katanungan ay nasagot niya ng tama.
“Bago kayo pumasok sa
paaralang ito ay dapat alam niyo na ang mga patakaran. Ang paaralang ito ay
hindi ipinatayo para sa kawang-gawa at sa mga kabataang maralita. Ang mga tulad
mo ang siyang dahilan kung bakit natututong lumabag ang ibang mga estudyante sa
palatuntunan ng paaralan. Kayo ay masamang ehemplo na dapat ituwid ang mga
baluktot na paniniwala.” Naalala pa niyang sabi nito matapos niyang dumating
nang huli sa klase.
“May mga patakaran ang
paaralan na hindi pabor sa mga katulad naming mahirap kaya dapat naming
ipaglaban at isigaw para mabigyan ng karampatang aksyon, Sir Doctorem.”
biglang nagtagis ang bagang nito na para bang pinipigilan ang sarili na ilabas
lahat ng pagka-disgusto tungo sa sinabi niya.
“Sinisira niyo ang
pangalan at imahe ng paaralan!” Biglang tumaas ang tono nito.
“Ipinaglalaban lang
namin ang aming karapatan, Sir.”
“Hindi niyo alam ang
inyong ginagawa at kung saan kayo dadalhin ng paniniwalang iyan ay pagsisihan
niyo sa bandang huli.”
Ang mga salitang iyon
ang paulit-ulit na naririnig niya mula nang malaman niyang bagsak siya sa
asignatura nito. Dapat ba siyang magsisi? Dapat ba na hindi na lang siya sumali
sa mga aktibistang estudyante?
Muli siyang napatingin
sa sulat at sa kulay dugong letrang F. Ilang sandali niya iyong pinasadahan ng
tingin bago nilukomos at itinapon sa basurahan.
Hindi niya aakalain na
ang isang titik na iyon ang magiging dahilan kung bakit maaaring hindi siya
makakapagtapos ngayong taon.
Ipinilig niya ang ulo.
Tinungo niya ang lumang mesa na ginawa pa mismo ng kanyang Tatang. May dapat pa
siyang tapusin.
Kinuha niya ang kanyang
lapis at nagsimulang gumuhit. Isang pahalang na linya mula sa itaas. Sunod
naman ay ang apat na maliliit na tunod na nakaturo sa apat na direksyon.
Napatingin siya sa kanyang orasan. Ala-una na ng umaga pero hindi pa rin siya
tapos. Marami pang kulang. Kailangan niyang bilisan. Tagatak na ang pawis at
halos hindi na niya maimulat ng maayos ang mga nanlalalim na mata dahil sa
antok pero kailangan niyang tapusin iyon.
Mataas na ang sikat ng
araw nang matapos siya. Nanlalatang napahiga siya sa kama. Pakiramdam niya ay
biglang nawalan ng lakas ang bawat daliri sa kanyang mga kamay. Nakaramdam siya
ng pamamanhid ng batok. Para na siyang hinihila ng kanyang tulugan dahil sa
sobrang antok pero agad niyang pinigilan ang sarili. Dali-dali siyang pumasok
sa banyo at naghilamos. Ibinalot niya sa plastik ang pinaghirapan niyang
pag-asa. Hindi na siya nag-abalang magbihis pa ng bagong damit. Nagmamadali
siya lumabas ng kwarto.
“Gab, ang aga mo yata?
Gusto mong mag kape?” Inabutan niya ang may-ari ng bahay na inuupahan niya na
abala sa pagwawalis ng bakuran.
“Salamat na lang po
Aling Melda pero kailangan kong makapunta sa paaralan ng maaga.” Nagpaalam
siya rito bago tumakbo papuntang sakayan ng jeep.
Halos gusto na niyang
hilingin sa drayber na bilisan nito ang pagpapatakbo sa jeep. Gusto niyang
mauna bago ang taong iyon. Hinigpitan niya ang paghawak sa bagay na iyon.
Ito ang kanyang huling baraha kaya dapat niyang ingatan.
Ilang minuto pa at
narating na rin niya sa wakas ang unibersidad. Malalaki ang hakbang na tinungo
niya ang opisina ng Arts and Sciences. Habol niya ang hininga nang makarating
sa harap ng opisina ng taong sadya niya.
“Sarado pa.” Sambit niya sa isip nang mabasa ang karatulang
nagsasabing sarado pa. Nagpasiya siyang sumalampak sa harap ng pinto. Noon lang
niya mas lalong naramdaman ang pagod. Humilig siya sa pader at ipinikit ang mga
mata.
Ito ang huling araw para
sa kanya. Huling pagkakataon. Huling pag-asa.
“Maaari ko bang malaman
kung bakit nakasalampak ka sa harap ng opisina ko?” bigla siyang naalimpungatan
nang may nagsalita sa kanyang harapan. “Balak mo bang magsagawa ng rally?”
Agad siyang tumayo at
dinampot ang dala. “Good morning, Sir.” bati niya rito.
Napatingin ito sa hawak
niyang plastik. “Ano iyan? Mga gagamitin mo sa isasagawa mong rally ngayong
araw dahil binigyan kita ng bagsak na grado?”
Umiling siya. “Hindi po,
Sir.” Inilabas niya ang iginuhit na mapa sa plastik at iniabot dito.
Hindi nito kinuha. “Ano
iyan?” Tanong nito.
“Kinabukasan ko po,
Sir.”
Tinapunan siya nito ng
nagtatanong na tingin bago alanganing kinuha ang nasa kamay niya. Nakita niyang
biglang nanlaki ang mga mata nito nang makita kung ano iyon.
“Alam kong huli na pero
susubukan ko pa rin, Sir. Hindi ko inaasahan na mahirap pa lang gumuhit ng
isang buong mapa ng daigdig na kompleto lahat ng detalye. Hindi ko kaya ang
globo dahil mas maraming materyales na kakailanganin kaya mapa na lang.”
Hindi ito nakapagsalita.
Nakatitig lang ito sa mapang ipinasa niya.
Maya-maya pa ay bigla
itong humalakhak nang malakas. Kunot ang noong napatingin siya rito. Bigla
siyang kinabahan lalo na nang ibinalik nito sa kanya ang mapa.
“Sir…” Pakiwari niya ay
may kung anong nakabara sa lalamunan niya.
“Kunin mo. Hindi ko
kailangan ang mapang iyan.”
Biglang nalaglag ang
kanyang balikat sa sinabi nito. Napayuko siya. Ikinuyom niya ang dalawang
kamao. Wala na. Huli na ang lahat.
Naramdaman niyang kinuha
nito ang kamay niya at inilagay ang mapa. “Hindi ko kailangan ang mapang iyan
dahil wala akong karapatan. Hindi iyan isang proyekto kundi isang obra.” bigla
siyang napatingin sa kanyang guro. Nagulat siya nang makitang nakangiti ito
habang nakatingin sa kanya. “Ang isang obra ay walang kapantay na grado, Gab
Mateo. Inaamin kong ayaw ko sa mga estudyanteng katulad mo pero isa akong guro
na gustong makita ang kanyang estudyante na maabot ang kanilang pangarap.
Sinusubukan lang kita kung hanggang saan ang kaya mong gawin at nakita ko iyon
ngayon.” May kinuha ito sa bag at iniabot sa kanya ang isang nakatuping papel.
“Sir?”
“Ikaw na ang magbigay
kay Mr. Robite. Sabihin mong iyan ang gusto kong ibigay sa kanya ngayong araw.
Dumating ka man ngayon o hindi, iyan na ang magiging grado mo.”
Tiningnan niya ang
nakasulat sa papel.
Gab Mateo- 1.25 (Pass)
“S-Salamat, Sir.”
Tinapik nito ang balikat
niya. “Ako ang dapat na magpasalamat. Salamat sa realisasyon na hindi lahat ng
desisyon namin ay tama. Huwag kang mag-alala. Pinag-usapan na namin ang mga
dapat baguhin sa sistema ng paaralan.”
Sumilay ang ngiti sa
kanyang labi. Hindi ang kulay dugong grado ang hahadlang sa pag-abot niya sa
kanyang pangarap. Nakangiting siyang tumalikod at ikinuyom ang kamao sa ere
bilang pagpapasalamat.
WAKAS
Comments
Post a Comment