Baryo

 





BARYO

 

Soul searching. Hindi ito ‘yung literal na nawala ang kaluluwa mo kaya kailangan mong hanapin. Soul searching ang tawag niya sa bawat road trip niya ng nag-iisa. Siya kasi ang tipo ng tao na mas gustong gawin ang isang bagay ng walang kasama kasi mas nai-enjoy niya. Mas masaya at nararamdaman niya ang saya ng buhay kapag sarili lang niya ang dala-dala. Sa tuwing birthday niya ay nakasanayan na niyang mamundok at gumawa ng isang bagay na gustong-gusto niyang gawin.

Kaya heto siya, sakay ng kanyang paboritong kotse na may disenyong baril at tangke de gyera. Mahilig kasi siya sa mga ganyang bagay dahil pangarap niya ang maging sundalo katulad ng kanyang papa noong bata pa siya. Isang liblib na baryo ang kanyang destinasyon kung saan naroon ang isang bundok na sinasabi nilang lugar kung saan makikita mo ang perpektong paglubog at pagsikat ng araw.  Nakita niya iyon sa google nung naghanap siya ng bundok na pwedeng akyatin. Hindi safe pero iyon ang mas nagpapadagdag sa excitement ng isang adventure ika nga. Kompleto naman siya sa gamit. Tent, tubig, flashlight, pagkain, at camera.  May dala rin siyang swiss knife na regalo sa kanya ng kanyang ama at isang kwarenta y singko na kalibre ng baril. Mas mabuti na ang handa kaysa kawawa kung sakaling may mangyaring masama sa kanya sa bundok.

Nang hindi na maaaring makapasok ang kotse ay nagsimula na siyang mag empake ng mga dadalhin. Wala na halos siyang kabahayan na nakikita kung mayroon man ay ilang kilometro pa ang layo niyon. Hindi naman ganoon kataas ang bundok na aakyatin niya pero sa tingin niya ay aabutin siya ng dalawa at kalahating oras bago marating ang tuktok niyon. Ayon kasi sa kanyang naresearch ay hindi pa ganoon kaganda ang daan. Isang pribadong bundok kasi iyon bago nakuha ng gobyerno dahil matagal nang hindi nabayaran ng may-ari ang buwis. Panay ang kuha niya ng mga litrato habang paakyat. Hindi niya alintana ang pagod dahil sa ganda ng mga tanawin na nakikita niya.

“This is life indeed.” Nakangiting usal niya habang nakapikit at nakadapa para damhin ng maigi ang malamig na samyo ng hangin. Hindi niya halos maalis ang tingin sa paligid. “Wow!” mas lalo pa siyang namangha nang magsimula nang lumubog ang sikat ng araw. Nanghalo ang kulay mapusyaw na pula, kahel at dilaw sa kalangitan. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya ngayon. Hindi niya akalain na mamamangha siya ganito. Panay lang siya pindot sa kanyang camera. Gusto niyang makuhanan ng litrato ang bawat minuto. Nakikita niya ang kabuuan ng baryo na unti-unting nilalamon ng panggabing kadiliman. Kahit tuluyan nang dumilim ay nakangiti pa rin siyang nakatingin sa kawalan. Kung hindi pa siya nakagat ng lamok ay hindi pa niya naisipang itayo ang kanyang tent. Matapos ayusin ang tutulugan ay gumawa siya ng maliit na bornfire. Inilabas niya ang baong hotdog at marshmallow.

Malamig ang hangin ngunit hindi siya nakakaramdam ng lamig. Napatingala siya sa langit. Napakaraming bituin, hindi niya mabilang kung ilang libong silang nagniningning sa kalangitan ngunit ang hatid niyon sa kanya ay ibayong kasiyahan. Kung iba tao, marahil ay takot matulog ng mag-isa sa isang lugar na walang ibang tao kundi siya lang. Ngunit iba siya, para sa kanya, mas nakakatakot kapag alam niyang may ibang tao sa paligid dahil tao lang naman ang may kakayahang gumawa ng mga nakakatakot na bagay. Ang tao ay likas na halimaw at sakim.

“Arrghhhhh….”

Bigla siyang napatayo. Agad niyang binunot ang baril sa beywang at ikinasa. Dinampot rin niya ng flashlight at itinutok sa paligid. Matalas ang mga matang nilibot ng tingin ang buong paligid. Baka may mga mababangis na hayop dito sa bundok.

“Arrghhhhh….”

Muli niyang narinig ang parang pag-angil na nagmumula sa hindi pa niya alam kung anong uri ng hayop. Pero sigurado siyang katunog iyon ng isang angil ng pinaghalong aso at leon kaya mas hinigpitan pa niya ang paghawak sa baril. Kinapa na rin niya ang magkabilang hita, sinigurado niyang nakakabit doon ang dalawang swiss knife na dala niya.

Marahan ang bawat hakbang na lumapit siya sa pinanggagalingan ng tunog. Nasa bahagi iyon na puno ng nagtataasang talahib kaya nahihirapan siyang makita kung ano iyon. Sinubukan niyang paputukan at nang makitang may gumalaw sa bandang iyon ay muli siyang nagpaputok ng dalawang beses pa.

“Shit!” agad niyang sinundan ang tunog ng mga baling sanga ng kahoy. Sigurado siyang malaking hayop iyon dahil sa laki ng sanga ng kahoy na nabali dahil sa pagtakas nito. May bakas pa iyon ng dugo. “Ano ito?” kunot ang noong tanong niya nang makita ang malapot na bagay sa sanga. Hindi iyon kulang pula kundi kulay itim na may halong matingkad na kulay berde.

“Arrghhhhh!!!!”

Narinig niya ulit ang pag-angil. Kumpara kanina ay mas malakas iyon at mukhang hindi galing sa iisang nilalang lang. Sunod-sunod iyon na para bang nagsi-senyasan sila gamit ang pag-angil. Hindi niya matantya kung saan dahil galing sa iba’t-ibang direksyon ang mga angil. Nakaramdam siya ng takot ngunit ramdam din niya ang pagkasabik. Hindi ito ang unang beses na may sumalakay sa kanyang mabangis na hayop kaya kampante siyang mahuhuli niya ito at maibebenta sa iligal na merkado kung saan laganap ang bentahan ng mga malapit nang maubos na mga uri ng hayop katulad ng leon, tigre, agila, at iba pa.

“Come on baby! Come to mommy!” sumipol pa siya habang mas tinalasan pa lalo ang pakiramdam.  Naging tahimik ang buong paligid. Mas hinigpitan niya ang paghawak sa baril. Nang makarinig siya ng angil sa hindi kalayuan ay agad siyang dumapa para paputukan iyon. Umalingawngaw sa paligid ang pagulahaw nito na para bang nasasaktan. Napangisi siya dahil sa natamaan niya pala iyon kahit hindi naman niya nakita para asintahin. Gumagaling na talaga siya siya sa pag-asinta.

“Arrghhhhh….”

“Shit!” napagulong siya sa kaliwa nang biglang may lumundag mula sa isang puno para dambahin siya. Agad siyang tumayo para asintahin ito ngunit napahinto siya. “What the heck?!” hindi niya magawang kalabitin ang gatilyo sa nakikita. Hindi iyon isang mabangis na leon o kung ano pa mang uri ng hayop! Kulay abo ang katawan na kawangis ng tao ngunit imbes dalawa ay iisa lang ang mata nito. Matatalas ang kulay itim na ngipin at sa gilid ng mga labi ay may kulay itim na likidong tumutulo. Mas mahaba rin kaysa karaniwan ang mga kamay nito na para bang walang mga buto.

“Arrghhhh!!!” akma siya nitong susugurin ulit mabuti na lang at nakaiwas siya at mabilis niyang kinalabait ang gatilyo. Ngunit dala na rin marahil ng pagkagulat ay hindi niya ito natamaan.

“Shit!” mabilis siyang nagpaputok ulit bago tumakbo sa kinaroroonan ng kanyang tent. Pilit niyang kinakalma ang sarili habang hinahanap ang extrang mga bala. Paglabas ng tent ay kinasa iyon sabay tutok sa nilalang na hindi niya alam kung ano. Dalawa na sila ngayon. Sugatan ang isa kaya sigurado siyang iyon ang natamaan niya kanina. “Ano? Sige, lumapit kayong mga halimaw kayo at nang sumabog ang mga bungo niyo!” sigaw niya ngunit nanatili lamang ang mga iyon sa kinaroroonan na parang takot na lumapit sa kanya.

“Arrghhhhh….”

Napatingin siya sa apoy. Napangisi siya dahil sa naisip. Agad siyang kumuha ng isang kahoy ay hinagis iyon sa mga halimaw. Mas lalong lumakas ang pag-atungal ng mga ito dahil sa ginawa niya. Umatras ang mga ito ngunit hindi umalis. Sinusubukan niyang paputukan ngunit agad na ang mga itong nakakaiwas.

“Shit!” mura niya ulit nang makitang kaunti na lang ay apoy na nagmumura sa bornfire niya kanina. Inihanda niya ang sarili kung sakaling sumalakay ang mga ito. Hindi nga siya nagkamali dahil agad ang mga itong naglundagan palapit sa kanyang nang tuluyan ng maubos ang apoy. Kung kanina siya ang humahabol sa mga ito, ngayon ay siya naman ang tumatakbo ng mabilis palayo sa mga ito.

Limang bala na lang ang natitira sa baril niya. Kailangan niyang maging sigurado sa bawat pagtira dahil bawat bala ay mahalaga. Nang makakita ng isang malaking puno ay agad siyang nagtago sa likod niyon. Pigil ang hiningang naghintay siya ng pagkakataon. Mas hinigpitan pa niya lalo ang pagkakahawak sa baril nang marinig na niya ang mga mabibigat na paghakbang ng mga ito. Nagpapalitang ang mga ito ng pag-angil na para bang nag-uusap.

Isa, dalawa, tatlong hakbang pa ay nilagpasan na siya ng isang halimaw. Inasinta niya ang likod nito at agad pinaputukan. Umatungal ito ng malakas. Akma siya nitong susugurin ngunit agad siyang nagpaputok. Inasinta niya ang ulo nito at mata.

“Mamatay ka na! Halimaw!” galit na sigaw niya nang makitang bumagsak na ito sa lupa. Lalapitan pa sana niya para barilin ulit ng malapitan ngunit may matalim na bagay na dumaplis sa kanyang balikat. “Shit!!!” napasigaw siya sobrang sakit. Nabitawan niya ang baril na hawak kanina.

“Arrghhhhh!!!” napatingin siya sa isang halimaw na hawak ang ulo ng halimaw na kanyang napatay. Umalulong ito ng pagkalakas-lakas. Namumula ang nag-iisang mga mata nitong dinampot ang nabitawan niyang baril at binali iyon sabay tapon sa kanyang kinaroroonan.

Tatakbo pa sana siya palayo ngunit nahablot na nito ang kanyang buhok. Napatili siya siya sakit. Halos matanggal na ang kanyang anit sa sobrang higpit ng pagkakasabunot nito sa kanya. Muli uli itong umatungal sabay balibag sa kanya. Tumama ang kanyang tagiliran sa puno kaya halos panawan na siya ng ulirat sa sobrang sakit.

“Jeez!” muli siyang namilipit sa sakit nang sipain siya nito sa tiyan pagkatapos ay sinakal siya nito sa leeg. Ramdam niya ang kuko nitong nakabaon na yata sa batok niya.

“Arrghhhhh….”

Galit na galit siya nitong inangilan. Para siyang masusuka dahil sa baho ng hininga nito na parang pinaghalong panis na kanin at bulok na lamang loob ng isda. Hindi siya madaling matakot ngunit sa mga oras na iyon ay inaamin niya sarili na sinasakop na ng sobrang takot ang buo niyang sistema. Nanghihina na rin siya ay walang panlaban. Binali na nito ang baril niya kanina.

“Ahhhh” napahiyaw siya ng hiniwa nito ang pisngi niya gamit ang mga matatalim nitong mga kuko. Mukhang wala itong balak na patayin siya kaagad. Pahihirapan pa yata siya nito ng dahan-dahan bago tuluyang kitilan ng buhay.

Ayaw man niya ngunit kusang tumulo ang mga luha niya sa mata. Naalala niya ang kanyang papa. Ang mga masasayang alaala nilang dalawa habang tinuturuan siya nitong magpaputok ng baril. Ang mga oras kung saan patago siyang magtatago sa kotse nito para makasama sa kampo ng mga militar. Pati na ang mga weird nitong birthday gift sa kanya. Baril, sasakyan na personalize pa ang disenyo, at swiss knife na binili pa nito sa Germany. Bigla siyang napadilat.

Tama!”

Ngumisi siya sa halimaw. Nanghihina man ay pilit niyang inabot ang kanyang kutsilyo sa magkabilang hita. Ito na lang ang panlaban na mayroon siya. Nang maabot na niya iyon ay maghigpit niya iyong hinawakan.

“Let’s die together, bitch!” inubos niya ang buong lakas na mayroon siya para itarak sa magkabilang ulo nito ang swiss knife. Sabay silang bumagsak sa lupa. Ang kaibahan lang ay wala na itong buhay samantalang siya naman ay humihinga pa. Naghintay muna siya ng ilang minuto bago tumayo ngunit hindi pa siya tuluyang nakabangon ay napahinto na siya.

“Arrghhhhhh!!!” mahigit limang halimaw ang galit na nakatunghay sa kanya ngayon. Patang-pata ang katawan na ibinagsak niya muli ang katawan sa lupa.

“Life is a shit indeed…” mahinang usal niya bago naramdamdaman ang matatalim na kuko ng mga itong sunod-sunod na bumaon sa buong katawan niya.

 

Comments

Popular posts from this blog

LIBRARIAN'S LICENSURE EXAMINATION SEPTEMBER 2025 RESULTS

Pagtatampok ng Lemlunay, bagong Aklat ni Virgilio Almario

One Shot Story