Kweba
Buwan ng Marso. Araw ng biyernes. Huling araw bilang
estudyante sa high school ang magkakaibigang sina Izza, Nestle, Elmer, Nea at
Nygel. Halos wala na nga yatang klase dahil halos lahat ng kanilang mga guro ay
abala na para sa preparasyon ng nalalapit nilang graduation kaya tambay na muna
sila sa paborito nilang tambayan. Abala sila sa kung saan sila gagala sa
darating na sabado. Dalawang linggo pa kasi bago sila mag-martsa. Ang
ingay-ingay nilang lima dahil halos lahat ay may kanya-kanyang gustong
puntahan.
“Guys naman! Malayo ang Palawan at tsaka may budget na ba
kayo? Ang mahal kaya ng ticket papunta doon.” Agad na reklamo ni Nygel kaya
tiningnan siya ng masama ni Nestle dahil siya ang suggest. Hindi nila alam kung
ano ang mayroon sa dalawang iyan. Minsan sweet, pero madalas parang aso at pusa
na palaging nagbabangayan.
“I agree. May agency ang Tito ko at nasabi na niya sa
akin na super expensive sa Palawan pati na sa Batanes.” Pakonyong sabad naman
ni Nea na abala sa kanyang pinapanood na Korean drama.
“Quiet please!” natahimik silang lahat ng biglang tumayo
si Elmer. Sa kanilang lima kasi, ito ang parang tumatayong lider at kuya na
rin. “I have a suggestion kung okay lang naman sa inyo. Tulad ng sabi ni Nea,
masyadong mahal kapag malayong lugar. Baka hindi rin ako makakasama kung sakali
dahil kinakapos na rin kami ngayon dahil nagkasakit si papa.”
“Hoy Izza! May suggestion daw si Kuya Elmer. Busy ka na
naman sa mga food blogs na ‘yan.”
“Kung makatulak naman te? Anong akala mo sa akin duyan?
At isa pa nakikinig ako, hindi lang halata.” Nag-pogi sign pa ito. “Talent ko
mga besh” sabay-sabay itong binatukan ng apat kaya naman agad itong tumakbo
palayo.
“Stop na guys. Seryoso na muna tayo. Back dun sa sinabi
ko kanina, I suggest na bakit hindi na lang tayo sa amin pumunta? Maraming
seafoods doon sa Capiz at balita ko ay may bagong kweba na natagpuan doon
malapit sa lugar namin.”
“Uy, exciting yan ah.” Nanlalaki ang mga matang tugon ni
Nestle. “Never pa akong nakapasok sa kweba kaya nga suggestion ko kanina na sa
Palawan kaso ang epal ng iba dyan eh.” Pasaring nito kay Nygel na nagpa cute
lang.
“Okay lang sa akin.” Pagpayag ni Nea.
“Meee tooo.” Parang bata na sang-ayon naman ni Izza.
“Capiz it is then. Sabihin ko na lang kay mama at papa na
isasama ko kayo sa darating na sabado para makapaghanda naman sila.”
Nakangiting wika ni Elmer.
Araw ng sabado. Sa terminal na sila ng bus nagkita-kita.
Nagtatawanan pa sila dahil halos buong cabinet na ang dala ni nea habang silang
apat ay backpack lang ang dala. Tatlong oras ang aabutin ng byahe mula Iloilo
hanggang Capiz. Tulog ang apat ngunit hindi si Izza. Parang may iba siyang
nararamdaman habang palapit na sila sa kanilang pinaroroonan lalo na ng makita
ang arkong bato na may salitang “Welcome to the Seafood Capital of the
Philippines.”. Pagdating sa babaan ng bus ay sumakay ulit sila ng tricycle
papunta sa mismong baranggay nina Elmer. Inabot din sila ng halos isa’t
kalahating oras bago nakarating sa bahay nila. Gawa sa kahoy ang bahay. Maraming
puno sa paligid at halos lahat ay mukhang isandaang taon na ang edad. Agad
silang sinalubong ng isang matandang babae na hula nila ay ang nanay ni Elmer.
“Andito na pala kayo. Maligayang pagdating sa aming
tahanan. Nawa’y maging memorable ang inyong bakasyon dito sa aming lugar.”
“Hey...” siko ni Nea kay Nestle. “Ang weird magsalita ng
mommy ni Elmer right? Sounds like panahon pa ni Magellan.”
“Tumigil ka nga, Nea. Nakakahiya ka.”
“Whatever.”
Magkasama sa isang kwarto lahat ng mga babae habang sa
kwarto naman ni Elmer matutulog si Nygel. Matapos magpalit ng damit at mag-ayos
ng kanilang gamit ay bumulaga sa kanila ang mesa na puno ng mga nakakatakam na
pagkain.
“Halina kayo at kumain. Ayokong lumisan kayo nang walang
laman ang inyong mga tyan.”
“Ano raw? Lumisan?”
kunot ang noong tanong ni Izza sa isip.
“Hoy Izza! Bakit ang lamya mo yata ngayon? Nasaan na ang
reyna ng katakawan?” nang-iinis na turan ni Nygel sa kanya ngunit hindi niya
ito pinansin. Hindi niya alam kung bakit parang iba ang kanyang nararamdaman sa
lugar na ito.
“Huwag ka nang mahiya, Izza. Kain lang kayo, marami pa sa
kusina.”
“Akala ko ba kapos kayo ngayon, Elmer? Hindi niyo naman
kailangang maghanda ng ganito karami.”
“Ano ka ba? Halika nga rito, subuan na kita beshy.” Hindi
na siya nakaiwas sa isang kutsara ng dinuguan na isunubo sa kanya ni Nestle.
“Nahiya ka pa, alam naman naming gustong-gusto mo ‘to.”
Wala nang nagawa si Izza kundi gumaya sa mga kaibigan.
Halos maubos na nila ang lahat ng nasa mesa nang mapansin nitong wala pang
bawas ang nasa plato ni Elmer.
“Uy, Elmer bakit-“ hindi na niya naituloy ang sasabihin
dahil bigla na lamang nagdilim ang kanyang paningin.
Nagising si Izza na masakit ang likod. Marahan niyang
binuksan ang mga mata ngunit wala halos siyang maaninag. Hindi niya alam kung
nasaan siya. Ang alam lang niya ay nakahiga siya sa matigas na bagay at
nakatali ang kanyang mga kamay at paa.
“G-guys?” mabuti na lang at walang takip ang mga bibig niya.
“Nea? Nes? Nygel? Elmer?!!”
“Izza?”
“Nea, ikaw ba yan? Anong nangyari?”
“Hindi ko alam.” Humihikbi nitong sagot. “Ang naalala ko
lang ay noong kumakain tayo tapos wala na.”
“Sina Nestle, Nygel at Elmer? Nasaan sila?” nakakaramdam
na siya ng takot. Biglang pumasok sa isip niya ang kakaibang pakiramdam kahit
papunta palang sila. At ang nakangising mukha ng nanay ni Elmer! “Si E-Elmer at
ang nanay niya!”
“Ako ba ang hinahanap mo, Binibini?” napapikit siya nang
biglang lumiwanag ang kanilang kinalalagyan. Tumambad sa kanila ang nanay ni
Elmer. Katabi nito ang walang ekspresyon na kaibigan. Kapwa nakasuot ng
kakaibang kasuotan at puno ng kulay itim na tatoo ang buong mukha. Sa likod
nilang dalawa ay mga kalalakihan na nakasuot ng itim na kasuotan at may takip
ang kalahati ng mata.“Mabuti at kayo ay gising na. Dalhin niyo silang dalawa sa
bulwagan.” Utos ng nanay ni Elmer.
“H-hey! Elmer, anong ibig sabihin nito?” nauutal na
tanong ni Nea ngunit parang wala itong narinig. “Ano ba! Bitiwan niyo ako!”
“Shit ka, Elmer! Demonyo kayo!” gigil na mura ni Izza
habang pilit na nagpupumiglas mula sa pagkakahawak ng dalawang nakaitim sa
kanya.
Umaalingawngaw ang boses ng dalawa sa kweba habang
kinakaladkad papunta sa kung saang impyerno man sila dadalhin.
“Maligayang pagdating sa aming banal na bulwagan.”
Nakangiting wika ng nanay ni Elmer sa dalawa.
Tumambad
sa kanila ang malawak na bahagi ng kweba na maraming nakasinding kandila. Bawat
sulok ay may rebulto ng demonyong may hawak na palayok. Sa gitna naman ay may dalawang
malaking mesa na gawa sa bato na puno ang dugo.
“W-what
the hell is this? Are we gonna die?” kung simpleng sitwasyon lang ay siguradong
matatawa si Izza sa itsura ng kaibigan dahil sa nagkalat nitong maskara sa mata
bagkos ay takot at sindak ang kanyang nararamdaman ngayon.
“Kaya mo
ba kami inaya dito sa inyo para ialay sa mga demonyong ‘yan ha, Elmer?!” duro
niya rito. Hindi niya matanggap na ang
kaibigan niya sa loob ng apat na taon ay alagad pala ng kung anong kulto at
sumasamba sa mga demonyo.
“Ginagawa
ko lang ang aming tungkulin.” Simpleng sagot nito.
“Gago ka
pala eh. Anong tungkulin? Ang patayin ang mga kaibigan mo para ialay? Nasaan
sina Nestle at Nygel!” labas ang litid na sigaw niya rito.
“Shhhh.
Huwag kang maingay, Iha. Ayaw nila ng kahit anong ingay habang kumakain.”
Nakangiti pa ring wika ng nanay ni Elmer sabay turo sa rebulto mga demonyong
nakatayo sa bwat sulok ng kweba. Nagitla siya sa sinabi nito lalo na nang
makita niya ang dugong dumadaloy mula sa mesa papunta sa mga palayok.
“What
the-“ napatingin siya kay Nea. Kapwa nanlaki ang kanilang mga mata nang biglang
nalaglag mula sa isang palayok ang isang kamay. “N-nestle?” Kung kanina ay
pinipigil ni Izza ang sariling umiyak, sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang
nalaglag ang kanyang mga luha. Hindi siya maaaring magkamali. Kamay iyon ni
Nestle dahil sa suot nitong singsing. Iyon ang singsing na binili ni Nygel para
rito. Alam niya iyon dahil sinamahan niya sa isang jewelry store si Nygel na
bilhin iyon bilang graduation gift nito kay Nestle!
“Hayop ka,
Elmer! Hayop kayong lahat! Mga demonyo!”
“Hindi mo
naiintindihan, Iha. Ang ginagawa namin ay para sa kaligtasan ng lahat. Kayong
apat ang kabayaran para sa kaligtasan ng sangkatauhan.Ang inyong dugo ay
kapalit ng apat na taong katahimikan at kasaganaan ng aming pamilya.”
“I’m sorry
pero ang pamilya namin ang naatasan na maghanap ng maaaring iaalay sa apat na
hari ng impyerno. Ilang daang taon na namin itong ginagawa. Ayon sa kasunduan
ay kailangan naming maghanap ng apat na kabataaang kapwa ipinanganak sa buwan
ng hunyo at kayong apat iyon. Ang inyong dugo ang siyang magtatakip sa lagusan
ng mundo nating mga tao at ng mundo ng mga demonyo dito sa lupa. Kung hindi
namin ito gagawin, lahat ng mga nilalang na inyong kinatatakutan ay
maglalabasan at lahat ng buhay ay mawawala na parang bula.” Nagitla silang
dalawa sa narinig. Naging magkaibigan nga pala silang apat dahil iisa lang ang
birthday nila. June 6, 1996.
“Tama na ang
kwentuhan. Kalagan silang dalawa at ilagay sa mesa.” Utos ng nanay ni Elmer.
“No!
Please don’t” narinig pa ni Izza ang pagmamakaawa ni Nea habang siya naman ay
halos wala nang maisip. Gusto niyang mag-isip ng paraan para makaligtas ngunit
wala namang pumapasok sa kanyang isipan. Sa kanilang apat ay siya ang pinakamatapang.
Palaging may kaaway at hindi naniniwala sa mga bagay-bagay katulad ng mga
multo, engkanto, maging sa mga demonyo pero pagkakataong iyon ay pakiramdam
niya, parang ang hina-hina niya. “No! H-help m-me...” kasabay ng huling salita
na narinig ni Izza mula kay Nea ay ang pagtarak ng matalim na kutsilyo sa
kanyang puso.
“I’m sorry
ma, pa....” huling mga salita na namutawi sa kanyang mga labi bago tuluyang
dumilim ang lahat.

Comments
Post a Comment