Funeral Home
Funeral
Home
Nakataas ang dalawang paa sa upuan habang pinapapak
ang banana cue na nabili niya kanina. Patawa-tawa pa siya habang nanonood ng
paborito niyang drama tuwing gabi. Mag-isa lang siyang naka duty sa mga oras na
iyon sa punerarya na pinagtatrabauhan niya dahil hindi makakapasok ang kasama
niya. Manganganak na raw kasi ang misis nito ngayong gabi. Ang isa naman ay
mala-late daw dahil nasiraan ang jeep na sinakyan.
“Pansamantala
po nating pinuputol ang inyong panonood dahil sa kapapasok lang na balita. Isang pugot na ulo natagpuan malapit sa
sementeryo. Sa kabilang baranggay naman natagpuan ang dalawang kamay at mga
paa. Ang mismong katawan ay nakitang nakabalot sa itim na garbage bag malapit
sa simbahan ng San Isidro. Ayon sa pulisya ay iisang lang ang nagmamay-ari ng
mga putol na katawan na hanggang sa mga oras na ito hindi pa rin nakikilala. Hinihinala
ng mga imbestigador na isang biktima ng Oplan Tokhang ang nasabing bangkay.
Walang nakakita sa krimen kaya bulag ang ating mga kapulisan sa kung sino ang
may kagagawan ng karumal-dumal na pagpatay. Ako po si Emily Belo. A to Z News.”
Napalatak siya sa narinig. Marami na talaga ang mga
halang ang kaluluwa ngayon. Halos araw-araw ay may bangkay na nakikita kung
saan-saan. Pero para sa kanilang mga imbalsamador, bawat patay ay pera kaya
kung minsan, natutuwa pa siya kapag may patay na dadalhin sa kanilang
punerarya.
“Rom!”
“Anak ng tokeneng!” napangiwi siya sa sakit dahil sa
sobrang gulat. Nahulog pa tuloy siya sa kanyang kinauupuan. Bigla na lang
kasing bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang kasamahan niyang si Abe.
“Rom!” tawag ulit nito sa kanya na para bang ang
saya-saya.
“Ano ba kasi yan?” inis na bulyaw niya rito.
“Sa atin daw dadalhin ang bangkay ng putol-putol na
katawan na natagpuan nina Sir Boy!” Bigla siyang natuwa sa narinig. Matalik
kasi na kaibigan ng amo nila ang pulis na binaggit nito. Kadalasan, kung may
bangkay na natatagpuan ay sa kanila dinadala matapos ma-autopsy. Minsan may mga
kapamilyang kinukuha pa ang bangkay pero karamihan lalo na kung biktima ng
isang aksidente o di kaya ay salvage ay wala nang may kumukuha kaya binebenta
na lang nila sa mga ospital o di kaya ay mga paaralan na may kursong medisina.
“Anong oras daw ba dadalhin dito?”
“Hindi ko alam. Baka mamayang alas dos pa raw.”
“Ganoon ba?” napatango-tango siya sa narinig. Kung
ganoon ay may oras pa siya para manood ng drama. Ganito sila palagi. Busy kung
may patay, sitting pretty naman kung wala.
Halos hindi na nila namalayan ang oras. Patay na rin
ang TV dahil tapos na ang kanilang pinapanood. Magkatabi na sila ngayong
nakaupo habang nakapatong ang mga paa sa isa pang upuan nang biglang may
kumatok sa pinto ng punerarya. Sabay pa silang nahulog nadalawa dahil sa gulat.
“Rom, Abe!”
“”Si Sir Boy yun! Buksan mo dali!” dali-dali namang
bumangon si Abe para buksan ang pinto. Bumungan sa kanila ang isang pulis na
may kasamang stretcher na tulak-tulak ng mga nakaputing lalaki.
“Good evening po, Sir Boy!” nakangiting bati niya
rito pero mahina siya nitong binatukan sa ulo.
“Umaga na uy.”
“Good morning na po pala.”
“Ito na ang bangkay na nakita namin kanina.”
Sumenyas ito sa dalawang lalaking kasama na ipasok sa loob ang bangkay.
“Idinaan lang namin dito dahil may pupuntahan pa akong importante.” Anito.
“Salamat po, Sir Boy.”
“Magtrabaho na kayong dalawa. Pahiran niyo nga ‘yang
mga laway sa gilid ng labi niyo bago kayo magsimula.” Sabay na silang napakamot
sa ulo ni Abe. Palagi kasi sila nitong nahuhuli na natutulog lang. Ano ba naman
kasi ang gagawin nila kundi matulog kung wala namang patay na i-embalsamuhin.
“Ingat po kayo, Sir!” pakawa-kaway pa siya. Hinintay
muna niyang makaalis ang patrol bago pumasok sa loob para masimulan na ang
pagiimbalsama ng bangkay.
Nakahiga na sa metal na lamesa ang bangkay. May
tinahing hiwa na korteng “Y” ang mismong katawan. Kadalasan ay wala nang mga
lamang loob kapag ganitong na autopsy na. Ang kailangan na lang nilang gawin ay
ibabad sa formalin ang bangkay para hindi bumaho at maagnas kaagad. Hindi na
sila natatakot tumingin sa mga bangkay lalo pa at halos walong taon na niya
itong ginagawa. Noong una, syempre takot na takot siya. Muntik pa nga siyang
umihi sa suot na pantalon dahil nakadilat pa ang bangkay na dinala sa kanila.
Ngunit habang tumatagal parang laruan na sa kanya ang mga ito. Walang buhay at
hindi na humihinga.
“Abe, kumuha ka nga ng isang galong formalin sa
bodega. Mukhang kukulangin ang nadala ko.”
“Sige.” Hinubad nito ang gwantes at lumabas na.
Pawisan na tinanggal niya ang mga natirang likido sa
loob ng katawan ng bangkay. Inilagay na muna niya ang ulo sa isang stainless na
lalagyan. Ihuhuli na niya iyong lagyan ng formalin. May mga natuyong dugo rin
sa mga paa at braso kaya kumuha siya ng isang bimpo para pahiran iyon.
“Nasaan na yun?” kumunot ang noo niya nang bumalik
siya sa harap ng bangkay ay wala na ang dalawa kamay na nakapatong sa gilid. Sinubukan
niyang hanapin sa ilalim ng mesa dahil baka nahulog pero wala roon. “Saan na
napunta yun? Imposible namang mawala na lang iyon ng basta-basta.”
“Abe?!” sinubukan niyang tawagin si Abe dahil baka
dumating na ito ng hindi niya namalayan at pinagtripan na naman siya nito.
“Tigilan mo akong lintek ka!”
“Iabot mo…..”
“Tokneneng!” nahagis niya ang hawak na palanggana.
Napatingin siya sa ulo ng bangkay na hawak-hawak na ngayon ng kamay na kanyang
hinahanap. Nakadilat na ang mga nito na puro kulay puti. Nakatingin ito sa
kanyang kinaroroonan kaya napasiksik siya sa gilid. Para siyang napako sa
kinatatayuan lalo na nang parang gagamba na gumapang ang mga kamay bitbit ang
ulo papunta sa mesa na kinalalagyan ng mga at mismong mayor na katawan. “Diyos
ko! Huwag niyo naman po akong takutin nang ganito! Pangako po, hindi na po ako
manonood ng drama. Maawa po kayo!”
“Ang atay ko…..” galit ang boses nitong nakatingin
pa rin sa kanya. Sinundan niya ng tingin
ang mga kamay na ngayon ay gumagapang na papunta sa mga paa at idinugtong iyon
sa bandang hita kung saan ito naputol. Sunod naman itong gumapang papunta sa
braso at ikinabit ang mga sarili na parang bang may mga sarili itong buhay.
“Tokneng! Tokneneng!” Paulit-ulit na usal niya
habang nanginginig na sa sobrang takot. “Abe! Abe!!!” halos lumabas na lahat ng
mga ugat sa leeg niya.
Gusto man niyang tumakbo ay hindi niya magawa dahil
malapit sa pinto ang kinaroroonan ng putol-putol na bangkay na ngayon ay
unti-unti nang nabubuo ulit. Bumango ito na parang walang nangyari. Kinapa nito
ang ulo at parang robot na nagdugutungan ulit ang mga ugat nito sa ulo at leeg.
“Ibalik mo sa akin ang atay ko! Ang puso koo. Ibalik
mo ang dugo kooo!” binalot ng malakas nitong boses na wari ba’y galing sa
ilalim ng lupa.
“Anak ng- Abe! Gago ka! Iligtas mo akooo!” lahat ng
mahawakan niya ay pinagbabato niya sa bangkay na bigla na lang nabuhay. “Diyos
ko po, maawa kayo sa akin.” Sumiksik siya sa ilalim ng lababo. Kahit maliit ang
espasyo ay pilit niyang pinagkasya ang sarili sa loob. Nakikita na kasi niyang
bumaba sa mesa ang bangkay at mabagal na humahakbang papunta sa kanya.
“Ano bang sinisigaw mo….bakit nakatayo yan! Anong
ginawa mo?!” maging ang kadarating na kasama ay nabitiwan na rin ang hawak na
galon ng formalin. Agad niyang ginamit ang pagkakataon na iyon para umalis sa
pinagtataguan at tumakbo ng mas mabilis pa sa sasakyan.
“Takbo!!” napamura pa siya nang lingunin niya si Abe
ay nakatayo pa rin ito at hindi sumunod sa kanya. “Gago, magpapakamatay ka
ba?!” hinila niya ito palabas ng kwarto kung saan sila nageembalsamo at ni lock
ang pinto. Mabuti na lang at naiwan niyang nakasabit sa door knob ang susi
kanina. Matappos niyang I lock ang pinto at hila pa rin si Abe na lumabas sila
ng punerarya at mabilis na tumakbo.
“Sandali Rom! Paano kung makalabas iyon at may
mabibiktimang iba?” humihingal na napaupo ito sa kalsada. Pabagsak na naupo na
rin siya tabi nito.
“Anong gagawin natin? Hindi nga natin alam kung
paano nangyari yun. Anak ng tokneneng talaga. Akala ko katapusan ko na kanina.”
“Hindi ako sigurado pero Sugpon yata ang tawag sa
ganoon. Sila yung mga nilalang na kahit mamatay ay kayang pagdugtungin ulit ang
kanilang mga katawan. Nangyayari daw talaga yan tuwing kabilugan ng buwan.
Kusang naghihiwalay ang bawat parte ng kanilang katawan para maghanap ng
makakain. Marami raw Sugpon lalo na sa mga lalawigan ng Iloilo at Capiz sabi ng
lola ko. Ngunit dahil sa takot ng mga tao noong unang panahon ay sinunog nila
ang mga katawan mg Sugpon para hindi na muling mabuhay pa.Hindi ko akalain na
hanggang ngayon ay may natitira pa pala sa lahi nila.”
“Bumalik tayo roon.” Bigla may pumasok na ideya sa
utak niya.
“T-teka, anong plano mo?”
“Basta, sumunod ka na lang.” ani niya. Patakbo
silang tumungo sa isang maliit na tindahan at bumili ng lighter at gas.
Pagdating sa punerarya ay mabilis ang kilos na binuhos niya ang gas sa labas at
tinapon ang natira sa loob. Naririnig pa niya ang pag-atungal nito s aloob at
ang malakas na pagbalya sa pinto.
“Sigurado ka ba diyan sa gagawin mo? Nababaliw ka na
ba? Siguradong lagot tayo kay amo pag sinunog
mo ang punerarya niya.”nag-aalanganang sabi ni Abe ngunit buo na
desisyon niya.
“Bahala nang walang trabaho. Ang importante ay
mapatay natin ang halimaw na nasa loob niyan. Ikaw na rin ang maysabi, baka
makalabas pa yan at may mabiktimang iba.” Aniya bago sinindihan ang lighter at
inihagis sa loob. Kasunod niyon ang pagkalat ng apoy sa kabuuan ng punerarya.
Naglabasan na ang ilan nilang kalapit na
establisemento. Ang iba ay tumawag sa himpilan ng bummbero. Habang ang iba
naman ay nagsimula nang magpasa-pasahan ng timba na may lamang tubig.
“U-uy saan ka pupunta?”
“Hindi ka ba nag-iisip? Uuwi ako sa probinsya naming
para magtago. Siguradong makukulong tayo kapag nalaman nila bosing ni tayo ang
sumunog ng punerarya niya.”
“Ano?!” wala itong nagawa kundi sumunod sakanya.
Sigurado siyang walang maniniwala sa kanilang dalawa kapag sinabi niyang
nabuhay ang patay na dapat ay wala nang buhay.

Comments
Post a Comment