Balon

 

Balon

 

 

         Labinwalong taong gulang. Estudyante. Mahirap. Sa madaling salita, kahit patalim ay kakayanin niyang kainin para kumita lang ng pera para sa matrikula niya. Kung bakit kasi ngayon pa nagkasakit ang Lola niya kung kailan huling semester na niya bago makapagtapos ng kolehiyo. Ang malas talaga, parang biro na biglang dadating kung kailan malapit mo nang matapos ang isang bagay.

“Hoy, Mia! Saang parte na naman ng milky galaxy lumipad ang isip mo?” inirapan niya ang kaibigan na si Emma nang bigla na itong bumulaga sa harap niya. May hawak itong tatlong malaking cup ng chocolate. Kasunod nito si Sofia na hindi naman magkadaungaga sa bitbit na turon.

“Huwag mo na kasing tanungin, Mia. Alam naman natin kung ano ang problema ng babaeng iyan.”

“Ikaw lang ang may alam, hindi ako. Ano ba problema niyan? Lalaki ba? Sus, mag move ka na kasi. Matagal na kayong wala ng kalbo mong ex di’ba?” inirapan niya lang si Emma.

“Uminom ka muna bago natin pag-usapan ang problema mo, Mia. Mahirap mag-usap kapag walang laman ang tiyan. Tiyak na wala ring laman ang maiibigay naming advice sayo. Huwag kang mag-alala, libre ko yan.” biro ni Sofia bago iniabot sa kanya ang isang platito ng turon at cup ng chocolate drink.

Kung may malas, meron din namang swerteng dumating sa buhay niya at iyon ang mga taong nasa harapan niya ngayon.

“Mukhang lahat ng sweldo ko kapag nagkatrabaho ay sa inyong dalawa mapupunta.”

“Kow! Tumigil ka, Mia. Nauumay na akong marinig ang utang-utang na iyan mula sayo.”

“Oo nga. Sinisingil ka ba namin? Obligasyon namin bilang kaibigan na tulungan ka. Teka, ano nga ba ang panibagong problema mo? Baka makalimutan ko sa sobrang kabusugan.”

“May sakit si Tito.” si Sofia na ang sumagot.

“Eh? May sakit na naman? Tsk. Mukhang alam ko na ang problema.” Palatak ni Emma.

“Kaya kailangan ko ng trabaho.” sabi niya bago napabuntunghininga ng malalim. “Kahit ano basta malapit lang sa boarding house para hindi ako mahirapan.”

“Tinanong ko na ang Ate ko kung may bakante sa factory nila. Hindi raw siya sigurado at tatanungin pa niya bisor nila kung meron.”

“Sorry talaga Mia pero wala akong may irerekomenda- teka!” bigla itong tumayo. “Hindi ko alam kung susunggaban mo ito pero may nakita akong poster kaninang umaga. Naghahanap ng babysitter.”

“Babysitter?”

“Oo. Naalala ko lang naman pero kung ayaw mo tutulungan na lang kitang maghanap ng iba.”

Saglit siyang nag-isip. Babysitter? Bakit hindi? Sanay siyang mag-alaga ng bata dahil siya na ang katuwang ng tatay niya sa pag-aalaga ng kanyang mga kapatid mula ng mamatay ang nanay nila nang iluwal nito ang kanilang bunsong kapatid.

“Akin na nga ‘yan. Papatulan ko na lang ang trabahong ‘to.” Aniya bago inabot ang poster at tinupi sabay silid sa bag. Mag-iinarte pa ba siya?


Alas singko ng hapon. Nasa harapan siya ng malaking bahay. Muli niyang tiningnan ang poster na hawak para siguruhin kung tamang address ba ng napuntahan niya. Nag-aalangan kasi siya kung tama nga ba dahil halos wala namang bahay sa lugar na iyon maliban sa lumang mansion kung saan siya nakaharap ngayon. Mukha ngang walang nakatira dahil isang 1.0 magnitude na lindol lang tatama ay tiyak na mawawasak na iyon nang tuluyan.

“Tsk. Budol-budol style yata to.” Naiinis na wika niya sa sarili. Itatapon na sana niya ang hawak na poster sa gilid at aalis na lang nang biglang bumukas ang gate. Tatakbo pa sana siya palayo dahil sa takot at gulat ngunit agad na siyang nahawakan sa balikat ng matandang iniluwa mula roon.

“Bakit ka aalis? Hindi ba at kailangan mo ng trabaho?”

“P-po?” ang lakas pa rin ng tibok ng puso niyang sagot. Tiningnan niya ng mabuti ang mukha ng matanda. Alam niyang may edad na ito ngunit bakas pa rin ang kagandahan nitong taglay. Wala nga yata itong linya man lang sa noo. Nakasuot ito ng magarang kasuotan. Halatang mayaman dahil sa nakakasilaw nitong mga alahas na suot. Diamond pa nga yata ang pendant ng kwentas nito.

“Ang sabi ko, kailangan mo ng trabaho kaya ka narito hindi ba?.” Nakatingin ito sa hawak niyang poster. Agad niyang inayos ang sarili.

“Pasensya na po, ma’am. Nagulat lang po talaga ako kanina kaya muntikan na akong tumakbo at isa pa, akala ko po nanloloko lang ang nagdikit ng poster na ito kasi mukhang wala naman pong nakatira sa bahay na iyan kasi luma na at tsaka-“ napatigil siya bigla at napatakip ng bibig. “S-sorry po, ma’am. Ang ibig kong sabihin-“

“Okay lang. Sumunod ka sa akin sa loob at nang makapag-usap tayo.”

“Yes!” masaya ngunit mahinang anas niya habang nagmamadaling sumunod rito.

Mukhang nag-iisa lang yata si ma’am na hindi niya natanong ang pangalan. Maraming bulaklak sa loob. Hindi niya iyon nakita noong nasa labas pa siya dahil medyo may kataasan ang sementong pader. Kalahati lang ng bahay ang nakikita niya kanina. Hindi niya akalain na ang ganda pala ng loob nito. Para siyang napunta sa isang makalumang lugar. Tahimik, malinis at kay sarap amuyin ng hangin. Fresh na fresh.

“Pasok ka, Iha.” Mas lalong nanlaki ang mga mata niya nang makapasok na sa mismong loob ng bahay. Ang kintab ng sahig na kahoy. Maging ang mga lumang kagamitan na gawa rin sa kahoy. Maraming litrato na nakasabit sa dingding at may malaking chandelier sa gitna ng salas. Hindi niya akalain na taliwas ang itsura ng labas sa loob ng bahay na ito. “Maupo ka.”

“O-opo. Opo.” Maging ang upuan ay sobrang lambot. “Wow…” hindi niya napigilang bulalas. Napahiya siya ng marinig niya ang mahinang tawa ng kaharap..

“Ako nga pala si Irene.” Nakangiting sabi nito.

“Hello po, ma’am. Ako po si Mia. Pero mas prefer ko po ang Mia na lang.” muli itong tumawa ngunit mahina lang. Yung tawa na pang Maria Clara.

“ Nakakatuwa ka, Mia. Gusto kita.” Napakamot na lang siya ng ulo.

“Syanga po pala, nasaan na po ‘yung baby na aalagaan ko? Ayon po kasi sa poster ay naghahanap kayo ng babysitter.”

“Iyon ba? Hindi pa dumadarating. Mamaya pa siguro. At napag-usapan na rin lang ang trabaho. Ang gagawin mo lang ay alagaan ang sanggol. Papaliguan mo at bibihisan ng maayos.”

“Iyon lang po?” gulat na tanong niya. Ngiti lang ang sagot nito sa kanya. “Anak niyo po ba, ma’am?” ngiti lang ulit ang sagot nito.

“Ang weird ni, ma’am.” Wika niya sa sarili.

“Ang sahod mo ay sampung libo isang buwan.” Muntik pa siyang masigaw sa laki ng sasahurin niya mabuti na lang at nakapag-pigil siya. “Tuwing gabi ka lang pupunta rito para alagaan ang baby. Maaari ka nang umuwi tuwing alas-kwatro ng umaga at kung gusto mo ay maaari ka nang mag-umpisa ngayong gabi.”

“Sure po, ma’am. Uuwi lang po muna ako sa bahay para makapagpaalam at makapagpalit na rin ng damit.”

“Hihintayin kita.” Nakangiting sabi nito sa kanya.

Agad siyang nagpaalam rito at hindi niya mabilang kung ilang beses siyang nagpasalamat.

“Walang anuman.” Inihatid pa siya nito sa gate. Nakailang hakbang pa lang siya nang muli itong magsalita. “Siyanga pala, Mia. Isa lang ang pinagbabawal ko sa loob ng aking pamamahay.”

“Po?”

“Huwag kang tutungo sa likod ng mansyon kahit anong mangyari. Nagkakaintindihan ba tayo?”

“Po? Sige po, ma’am Irene.” Ngumiti lang ulit ito sa kanya bago muling pumasok sa loob.

“Ang weird naman ng rules ni ma’am Irene. Bahala siya ang importante malaki siya magpasahod.”


Mag-iisang buwan na rin siyang nagtatrabaho bilang babysitter ngunit ni minsan ay hindi pa niya nakita ang mister ni ma’am Irene. Gusto sana niyang tanungin kung single mom ba ito kaso nakakahiya naman kung gagawin niyan iyon. Madali lang naman ang trabaho niya. Katulad ng sabi nito, aalagaan niya lang ang baby nito. Papaliguan at bibihisan. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit parang bawat araw ay umiiba ang itsura ng sanggol na inaalagaan niya. At sa tuwing gabi lang iyon dumadating sa bahay. Inihahatid ng isang matandang babae. Inisip na lang niya na baka ang matandang iyon ang nagbabantay tuwing umaga. Mukha ring hindi natutulog si ma’am Irene dahil naririnig niya ang ingay mula sa kwarto nito sa tuwing bababa siya ng hagdan.

“Hello baby….ang cute mo talaga.” Nilaro niyang ang mga kamay ng sanggol. Napatigil lang siya nang mapansin ang balat nito sa bandang leeg. “Kailan ka pa nagkaroon ng balat ha baby?” kunot ang noong tanong niya. Nagtataka na talaga siya. Kasi noong isang araw singkit ang mata ng batang inaalagaan niya tapos ngayon naman ay bilugan na tapos may balat pang nadagdag. Isa pa sa ipinagtataka niya ay kung bakit parang hindi lumalaki ang bata. Parang kapapanganak lang nito kahit isang buwan na ito.

“Ilan ba kayong anak ni ma’am ha, baby?” mahinang tanong niya sa bata na kasalukuyang natutulog.

“Mia.”

“Ay Mia!” gulat na bulalas niya. Nasa likod pala niya si ma’am Irene. “Ay ma’am, nakatulog na po si baby.” Baby lang ang tawag niya kasi ngiti lang ang sagot nito sa tuwing magtatanong siya ng pangalan ng sanggol.

“Maaari ka nang umalis. Tulog naman na ang bata at isa pa malapit na ring mag-alas kwatro.”

“Sige po, ma’am. Mag-aayos lang po ako ng gamit ko.” Mag-aaral pa kasi siya para sa malalapit nilang midterm exam.


Matapos magligpit at agad na siyang nagpaalam kay ma’am Irene. Isang kilometro yata ang gabi-gabi niyang nilalakad dahil malayo sa kabahayan nakatirik ang mansyon. Habang naglalakad ay nagbabasa siya ng kanyang notes. Hindi niya namalayan na malapit na siya sa sakayan ng tricyle. Wala pang tricycle kaya naupos muna siya.

“Nasaan na ba ‘yung notes ko sa English?” napamura siya nang maalala na naiwan niya pala iyon sa kwarto ni baby! “Naku naman talaga Mia.”

Lakad takbo ang ginawa niya para makarating kaagad sa mansyon. Mabuti na lang at bukas iyon. Kakatok pa sana siya kasi nang pinihit niya ang door knob ay bukas iyon. Nakalimutan yata ni Ma’am Irene na isara.

“Ma’am Irene?” tawag niya sa amo ngunit walang sumagot. Tulog na yata kaya umakyat na lang siya sa ikalawang palapag para kunin ang handouts niya. Pagpasok niya sa loob ay nagulat siya kasi wala na doon si baby. “Mukhang itinabi ni ma’am sa pagtulog si baby ah.” Usal niya. Matapos makuha ang dapat kunin ay bumaba na siya. Palabas na siya nang makarinig ng iyak ng sanggol. Hindi iyon galing sa kwarto ni ma’am Irene kundi sa likurang bahagi ng bahay!

“Anong ginagawa nila roon? Baka nagpapahangin?” tanong niya sa sarili.

Pupunta na sana siya roon ngunit napahinto siya. Bawal nga pala siyang magtungo sa likod ng bahay. Aalis na sana siya kaso muling umiyak ng mas malakas si baby.

“Bahala na. Sisilipin ko lang naman.” Marahan siyang naglakad papunta sa pinto. Nakabukas iyon ng konti. “Anong ginagawa ni ma’am?” takang tanong niya sarili. Nakahiga kasi ang sanggol sa isang mesa sa gilid ng balon. Sa harap ni si Ma’am Irene na may kung anong sinasambit na hindi naman niya naiintindihan. Kumunot ang noo niya sa nakikita ngunit mas lalong kumunot ang noo niya nang may kutsilyo itong kinuha at agad na sinaksak sa sanggol na hindi na nagawang umiyak pa.

“A-anong….” Gusto niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa. Para rin siyang napako sa kinatatayuan. Nakita niyang kinuha ni Ma’am Irene ang walang buhay na sanggol at inihulog iyon sa loob ng balon. Ilang sandal pa ay nakarinig siya ng mga ingay na hindi niya alam kung sa anong nilalang galing. Matapos ang ingay ay hinila ni Ma’am Irene ang lubid na may timbang nakatali. Mula roon ay tumatawang kumuha ito ng isang kumikislap na bato! Dyamante!

Hindi na siya nakatiis. Kahit nanginginig ay dali-dali siyang tumakbo palabas ng mansyon at bahala nang hindi niya makuha ang sahod. Hindi na siya babalik pa muli sa lugar na iyon!

Comments

Popular posts from this blog

LIBRARIAN'S LICENSURE EXAMINATION SEPTEMBER 2025 RESULTS

Pagtatampok ng Lemlunay, bagong Aklat ni Virgilio Almario

One Shot Story