Dear Ana
Disyembre 1, 2030
Dear
Ana,
Nagustuhan mo ba ang ibinigay kong
pangalan sa iyo? Alam kong oo. Sorry at mula ngayon ay palagi na kitang
kukulitin. Sina mama at papa kasi. Naririnig ko na naman sila. Nagsisigawan.
Nagmumurahan. At nagkakasakitan. Narito ako ngayon sa loob ng aparador namin,
nagtatago. Ayoko ko silang marinig. Nasasaktan ako.
Disyembre 16, 2030
Dear
Ana,
Kumusta na? Alam mo bang unang araw
ng simbang gabi ngayon? Pasko na pero hindi ko ramdam. Nag-aaway na naman sila.
Nagkakasakitan ulit. Sinampal ni papa si mama. May tinatago raw siyang lalaki.
Kitang-kita ko ang mga nangyari. Wala akong magawa kundi umiyak.
Enero 1, 2031
Dear
Ana,
Happy New Year! Alam mo bang ito ang
pinakamalungkot na araw sa buong buhay ko? Bagong taon ngayon pero hindi ko
ramdam. Hindi kami naghanda at nagsaya. Nag-aaway na naman sila. Mga sigawan
nila ang sumalubong sa bagong taon nang pumatak ang alas dose.
Enero 2, 2031
Dear
Ana,
Si mama. May ka-text. Nabasa ko
iyon. Mahal kita ang laman ng mensahe pero hindi galing kay papa. Galing sa
kaibigan ni papa. Galing kay Ninong Ben ko! Hindi ko alam ang gagawin. Sinabi
ko kay papa. Nag-away sila ng dahil sa akin. Sinampal ako ni mama at sinabihang
walang kwenta pagkatapos ay ikinulong sa bodega. Sobrang dilim, Ana. Umiyak ako
nang umiyak.
Enero 7, 2031
Dear
Ana,
Wala na. Hiwalay na sila. Umalis na
si Mama. Kami na lang ang natira ni Papa pero pakiramdam ko ay nag-iisa na lang
ako. Hindi siya palaging umuuwi at kapag nangyari iyon ay lasing naman siya.
Hindi ako nagpapakita sa kanya dahil binubulyawan niya ako. Tulad ng sabi ni
mama, wala raw akong kwenta. Ana, hindi ko alam kung ano ang dapat gawin para
magkaroon ng kwenta sa kanila. Gusto ko lang naman ng masayang pamilya. ‘Yung
masaya, kumakain ng sabay-sabay, nag-uusap tuwing kumakain. Sana hindi na lang
ako ipinanganak.
Pebrero 26, 2031
Dear
Ana,
Happy birthday to me! Happy birthday
to me. Happy birthday, Ela! Alam mo bang umiiyak ako habang mag-isang
kinakantahan ang sarili ko? Kaarawan ko ngayon pero mag-isa lang ako sa bahay.
Ilang araw nang hindi umuuwi si papa at isang araw na rin akong hindi kumakain.
Pinagalitan niya ako noong minsan na nanghingi ako kina Tiya Erna ng pagkain.
Ayaw daw niya dahil mukha akong nagugutuman. Ginagawa ko raw kawawa ang sarili
ko. Siyanga pala, sanay na akong hindi naghahanda tuwing birthday ko eh. Dose
na ako pero hindi ko ramdam na ang tagal-tagal ko na palang nabubuhay dito sa
mundo. Magpakamatay na lang kaya ako? Ano sa tingin mo, Ana?
Abril 22, 2031
Dear
Ana,
Graduation namin ngayon pero wala si
Papa. Hindi raw siya dadalo sa isang walang kwentang bagay. Walang kwenta na
naman. Palagi na lang, kalian pa ba ako masasanay na wala akong halaga sa
kanila. Napatingin ako sa mga kaklase ko. Hindi ko alam pero parang maiiyak
ako. Alam mo yung may kung anong dumadagan sa dibdib mo? Hindi ako makahinga.
Naiinggit ako. Bakit sila ang saya-saya samantalang ako, nandito lang, nakaupo.
Walang magulang na kasama. Ni wala nga akong kolorete man sa mukha. Ang buhok
ko ay tinalian ko lang. Bakit ganoon, Ana? Saan ba pwedeng makabili ng
doraemon? Hihingi ako sa kanya ng gamit na maaaring makatanggal ng kahit anong
pakiramdam. Gusto kong maging manhid.
Mayo 14, 2031
Dear
Ana,
Uy! Alam mo bang masaya ako ngayon?
Hindi ko alam kung ito nga ang pakiramdam na maging masaya pero buong araw
akong nakangiti. Hulaan mo kung bakit. Hahaha! Natanggap ako bilang scholar sa
high school doon sa bayan. Libre raw lahat. Makakapag-aral pa rin ako.
Hunyo 10, 2031
Dear
Ana,
Umuwi si papa. Hindi siya lasing.
Hindi rin galit. Hindi niya ako binulyawan. Hindi niya ako sinabihang walang
kwenta. Pero hindi rin niya ako pinansin at kinausap man lang. Ilang buwan din
siyang hindi umuwi. Ang laki ng ipinayat niya. Kitang-kita ko na ang buto niya
sa pisngi.
Agosto 27, 2031
Dear
Ana,
Isang lingo na akong absent sa
klase. Si papa kasi. May sakit pala siya kaya pumayat. Sira na raw ang kidney
niya dahil sa alak. Kailangan daw ng operasyon. Hindi ko alam kung saan kukuha
ng pera. Sinubukan kong humingi sa ilang kamag-anak namin pero hindi pa rin
sapat.
Agosto 29, 2031
Dear
Ana,
Patawarin sana ako ng Diyos pero….
Setyembre 1, 2031
Dear
Ana,
Bakit ganoon? Ilang beses ko nang
kinuskos ang sarili ko pero pakiramdam ko ang dumi ko pa rin. Napaupo ako sa
sahig ng banyo ng hotel habang patuloy pa rin sa pagkuskos ng sarili. Ayaw
matanggal ang dumi, Ana. Napakarumi ko nang babae. Hindi. Mali. Napakarumi ko
nang batang babae. Natigil lang ako nang marinig ang mga katok sa labas. Naiyak
ako. Hindi pa naalis ang dumi, may idadagdag na naman.
Setyembre 20, 2031
Dear
Ana,
Kalalabas lang ni papa ng hospital.
Matagumpay ang naging operasyon. Gagaling na raw siya. Ilang beses niya akong
tinanong kung saan ako kumuha ng pera pero tikom ang mga bibig ko. Hindi na
niya kailangan pang malaman. Basta ang importante, hindi ako naging walang
kwentang anak. Ginawa ko lahat para madugtungan ang buhay niya dahil pilitin ko
mang magtanim ng galit sa kanya ay hindi ko magawa. Hindi maiaalis ang
katotohan na siya ang puno at ako ang bunga niya.
Nobyembre 11, 2031
Dear
Ana,
Palaging may tumatawag sa akin.
Boses lalaki. Alam daw niya kung gaano ako karumi. Natatakot akong ipagkalat
niya. Ayokong malaman ni papa. Sinabi niyang makikipagkita ako sa kanya.
Pumayag ako.
Nobyembre 25, 2031
Dear
Ana,
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
ko. Papayag ba ako sa gusto niya o hindi? Kung papayag ako, mas lalo akong
dudumi at kapag hindi naman ay ibubunyag niya kung gaano ako kadumi. Alinman sa
dalawang pagpipilian ang pipiliin ko ay talo pa rin ako. Hindi ko na alam ang
gagawin ko.
Disyembre 1, 2031
Dear
Ana,
Wala akong magawa. Pinasok ko ang
isang sitwasyong na wala na akong kawala. Mas lalong dumumi ang tingin ko sa
sarili. Unti-unti ko nang nararamdaman ang pagdugmok at pagkawasak ng aking
pagkatao. Bawat haplos. Bawat halik. Bawat nakakalasing na inuming may halong
tableta. Bawat indak ng aking murang katawan sa saliw ng isang maharot na
tugtugin ay katumbas ng unti-unting pagkawala ng aking katinuan na pilit kong
hinahawakan.
Disyembre 13, 2031
Dear
Ana,
Huling araw ng martes sa taong ito.
Nagising ako dahil sa malalakas na katok ni papa. Galit na galit siya.
Sinalubong niya ako ng isang malakas na sampal at malutong na mura. Alam na
niya! Nalaman niyang nagtatrabaho ako sa isang kabaret sa bayan. Hindi ko alam
kung paano niya nalaman. Hindi ko rin alam kung ilang sampal na ang tumama sa
pisngi ko. Para pa rin akong lumulutang sa kawalan. Wala akong nararamdaman
kahit ano. Walang sakit. Walang pagsisi. Walang poot. Blangko. Hindi ko na pala
kailangan si doraemon para maging manhid. Kailangan ko lang palang mawasak para
hindi makaramdam ng kahit anong emosyon.
Enero 1, 2031
Dear
Ana,
Ang tahimik ng buong bahay. Oo nga
pala. Wala na rito si papa. Iniwan na niya ako dahil sa kahihiyan. Marahan
akong humakbang pababa ng hagdan. Inikot ko ang mga matang nagkukulay talong na
sa kabuuan ng aming maliit na salas. Ang ingay sa labas. Puno ng putukan at
masasayang tawanan pero ito ako, nag-iisa. Biglang nanlabo ang aking paningin.
Pinahid ko ang aking pisngi. Bigla akong napangiti. Kailan ba ang huling araw
na umiyak ako? Hindi ko alam. Kinalimutan ko na. Bigla akong napahagulgol ng malakas.
Pagod na pagod na akong lumaban sa buhay. Kahit anong gawin ko ay hindi na
mawawala ang katotohanang walang kwenta ang naging buhay ko sa mundo. Nawala na
ang lahat sa akin. Lahat ay naglaho sa isang iglap lang.
Enero 7, 2032
Dear
Ana,
Salamat sa lahat. Salamat sa
pakikinig. Salamat sa pakikiramay. Salamat dahil hindi mo ako iniwan.
Nalulungkot ako dahil ako pa ang mang-iiwan sa iyo pero ganoon yata talaga ang
buhay. May mahuhuli, may mauuna. Paalam, Ana. – E.S
Iyon ang huling pahina ng kwaderno.
Humigpit ang pagkakahawak niya roon. Nagsisisi siya pero huli na ang lahat.
Nanginginig ang mga kalamnan na kinuha niya ang autopsy report ng anak. Namatay
ang anak niya dahil sa droga. Nagkaroon din ng komplikasyon sa atay dahil doon.
Hindi niya alam. Ito pala ang nagdonate ng kidney para sa kanya. Mas lalo
siyang napahagulgol sa huling dalawang nabasa. Napaka-walang kwenta niyang ama.
Mas pinili niyang malugmok dahil sa kataksilan ng asawa. Hindi niya alam kung
paano tatanggapin ang lahat.
“Patawad. Patawarin mo ako…”
napaluhod siya sa harap ng kabaong ng anak. Nilukumos niya ang resulta ng
autopsy.
May AIDS ito at....
Buntis ang anak niya.
Dalawang buwan.

Comments
Post a Comment