Car Accident
Car Accident
“Shit!” mura niya habang tumitingin sa
unahan. Halos isang oras na yata siyang stranded sa highway na iyon pero hindi
man lang umuusad ang mga sasakyan. Nabibingi na rin halos siya sa ingay ng
katabing ambulansya na hindi na rin makadaan. Kung nasa bingit ng kamatayan ang
nasa loob niyon, tiyak na hindi na iyon aabot pa sa ospital. Naiinis na
tiningnan niya ang oras. Kalahating oras na siyang late sa appointment niya.
Tiyak na hindi na niya makukuha ang deal na iyon. Kanina pa panay ring ang
kanyang cellphone pero hindi na niya sinasagot dahil alam naman niyang
sesermunan lang siya ng kanyang boss. “Potek na buhay naman.” Gigil na hinampas
niya ang manebela.
Ilang minuto pa bago umusad pero ilang
segundo lang marahil ang itinagal. Hindi na niya mabilang kung ilang beses
siyang nagmura. May nasigawan pa siyang isa dahil sa ingay ng busina nito. Muli
siyang napamura nang tumunog ang kanyang cellphone. Boss niya ang tumatawag.
Hindi niya alam kung sasagutin niya ba o hindi pero sa bandang huli ay sinagot
na lamang niya. Isang malutong na mura ang kanyang natanggap.
“Sorry po, Sir. Traffic kasi.”
“Kailan ba nawala ang traffic sa
Maynila, Mark? Sana inagahan mo! Ano ba! Kahit elementary students alam ‘yan!
Alam mo naman kung gaano kaimportante ang kliyenteng kikitain mo tapos
babagal-bagal kang kumilos?”
“Sorry po talaga, Sir. Hahanap po ako ng
shortcut.”
“Dapat lang. Pasalamat ka at
napaki-usapan ko si Mr. Leorido na maghintay pa ng kalahating oras. Siguraduhin
mong makakarating ka dahil wala ka nang babalikang trabaho kapag hindi naisara
ang deal na ‘to, naiintindihan mo ba?”
“Yes, Sir.” Napabuga siya ng hangin
matapos itinapon sa backseat ang cellphone. “Bwisit talaga.” Nakahinga lang
siya ng maluwang nang makita ang signage na nagsasabing shortcut papuntang
Hotel na kanyang destinasyon. Agad siyang nnamainobra pakaliwa.
Maliit lang ang shortcut na kanyang
nakita. Hindi sementado at mukhang nag-iisa lang siyang tinatahak ang daang
iyon dahil wala naman siyang nakakasalubong na sasakyan. Masukal ang
magkabilang gilid at may nakatanim na mga puno ng niyog. Mas lalo niyang
binilisan ang pagpapatakbo, wala naman na kasing huhuli sa kanya. Mas
importante sa kanya ang makarating sa tagpuan nila ni Mr. Leorido sa loob ng
tatlumpong minuto dahil kung hindi, siguradong sa kangkungan siya pupulutin ng
kanyang pamilya.
“Shit!” napamura siya sabay kabig ng
manebela para iwasan ang humaharurot na kotse na mukhang sa direksyon niya
tatama. Nasa lugar na kasi siya kung saan mahirap makita kung may papasubong na
sasakyan. “Kung mamalasin ka nga naman, tsk!” Naiwasan nga niya ang kotse
ngunit bumangga naman ito sa isang puno ng niyog. Mabuti na lang nakapreno pa
siya at hindi demeritso sa isa ring puno ng niyog. Agad siyang bumaba para
tulungan ang mga sakay ng kotse.
“T-Tulong….” Umuusok ang unahan ng kotse
at sa loob niyon ang isang babae. Duguan ito at maraming dugo sa mukha.
Dali-dali niyang binuksan ang kotse at sinubukan itong hilahin palabas ngunit
hindi pa dumampi ang balat niya ay agad na itong sumigaw sa sobrang sakit.
“Sandali, Miss. Tatawag ako ng tulong.”
“A-Ang baby ko… paki-usap iligtas mo
siya…” natigilan siya sa narinig. Bumaba ang kanyang mata sa mga kamay nitong
nakahawak sa tiyan na para bang pinoprotektahan ang sanggol na nasa loob niyon.
“O-oo, sikapin mong huwag kang mawalan
ng malay, okay?” nanginginig ang mga kamay
na nagtipa siya ng numero ng pulis. Ilang segundo lang ay may sumagot
naman sa linya.
“Good morning. Police Station, how can I
help you?” sagot ng babaeng nasa kabilang linya.
“Tulong! May naaksidente dito sa Kamyas
Street. Ang shortcut na daan papuntang Hodor Hotel. Please pumunta kaagad kayo
rito dahil malubha ang kalagayan ng babae at isa pa buntis siya.”
“May malay po ba ang biktima?”
“Yes, yes!”
“Mabuti po kung ganoon. Huwag niyo pong
subukang galawin ang biktima at baka mas lalong lumala ang kanyang sitwasyon.
Agad po kaming magpapadala diyan ng rescue team.”
“Sige, maraming salamat at tsaka bilisan
niyo!” natataranta ulit siyang bumalik sa kinaroronan ng babae matapos ang
tawag. Hindi niya alam ang gagawin. Gulong-gulo na kanyang buhok dahil sa
walang humpay na sabunot niya sa sarili. Siguradong mas malaking problema ang
kakaharapin niya kapag may nangyaring masama sa babae at sa dinadala nito.
“Bakit ba nangyari sa akin ‘to?!”
“T-tulong mo ako…” lalapitan pa sana
niya ang babae ngunit biglang nag ring ang cellphone niya. Tatlong numero lang
ang naka-register. Ayaw pa sana niyang sagutin kaso naisip niya na baka
importante.
“Hello?”
“Sir? Precint number 199 po ito. Gusto
ko lang po sanang kumpirmahin ang aksidenteng itinawag mo sa aming hotline.”
“Yes, yes ako ‘yun. Nandito kami sa-“
“Kamyas Street hindi po ba?” putol nito
sa iba pa niyang sasabihin.
“Oo.” Kunot ang noong sagot niya. Hindi
niya mawari ngunit may kung anong iba sa tono ng pananalita nito. Parang takot
na hindi mapakali. Maging siya tuloy ay nagsimula na ring kabahan.
“Kung maaari po sana ay lumalis na muna
kayo riyan. Hindi kaya ay pumunta na lang kayo dito mismo sa presinto at nang
maipalawanag ko po sa inyo ang nangyayari.”
“A-Anong?”
“Please po, Sir. Gawin niyo na lang po
ang sinasabi ko.” Nakikiusap na ito sa kabilang linya.
“Hindi ko pwedeng iwanan ang babae rito
ng basta na lang. Nasa peligro ang buhay niya at kailangan niyang madala kaagad
sa ospital.”
“Sundin niyo lamang po ang sinasabi ko
sa inyo bago pa may mangyaring masama sa inyo.” Nakiki-usap na sagot nito.
“P-pero-“
“Sir!” napaigtad pa siya nang biglang
sumigaw ang nasa kabilang linya.
“S-Sige..” hindi niya alam ang gagawin.
Napatingin siya sa babae na mukhang hirap na hirap na talaga. “Babalikan kita,
Miss.” Mahinang sabi niya bago sumakay ng kotse at pinaharurot iyon palayo.
Agad niyang tinungo ang presinto 199. Sa
labas pa lang ay may nakaabang na ang isang babaeng pulis na kagat-kagat ang
kuko. Nagliwanag lang ang mukha nito nang makita siyang bumama ng kotse. Para
itong nabunutan ng tinik sa lalamunan.
“Pasok po tayo sa loob.” Hindi pa siya
nakapagpakilala ay agad na siya nitong hinila sa loob ng presinto. Pinaupo siya
nito sa isang upuan at binigyan ng isang basong tubig.
“P-pasensya na pero pwede ko bang
malaman kung ano ba talaga ang nangyayari? Hindi ko maiintindihan kung bakit
mas pinauna niyo pa akong papuntahin dito gayong mas nasa kritikal na sitwasyon
ang driver ng nakabanggan kong sasakyan.”
“Hindi ko po alam kung maniniwala kayo
sa mga sasabihin ko pero ito po ang totoo. Noong una, kami man ay hindi makapaniwala
pero ilang tao na ang nagreport ng ganyan sa aming hotline ngunit ng puntahan
namin ay wala naman kaming nakita maliban sa sasakyan na pagmamay-ari ng
tumawag sa amin. Sinubukan naming puntahan ang pinangyarihan ng aksidente nang
ilang beses ngunit maging ang mga nagreport ay hindi namin nakita at hindi na
nakita pa uli. Kung nakita man namin ang ilan ay wala na silang buhay. Katulad
mo, iisa lang ang kanilang kwento. May nakabanggan silang sasakyan at isang
babaeng buntis ang sakay niyon. Ilang beses na rin naming binarikadahan ang
daang iyon ngunit palagi na lang iyon nawawala o di kaya ay parang sinadyang
sirain.”
“W-what?” napailing siya sa mga narinig.
“I-imposibleng mangyari dahil kitang-kita ko ang mukha ng duguang babae! May
sira pa nga ang sasakyan ko.”
“Wala po kaming magagawa kung ayaw
niyong maniwala pero iyon po ang totoo. Sa katunayan ay kayo po ang
kauna-unahang nagreport na nakita namin nang buhay.”
“Pero ang babae!”
“Nangalap kami ng impormasyon tungkol sa
mga nakaraang aksidente na nangyari sa lugar na iyon at mayroon kaming nahanap.
Mayroong isang babaeng buntis ang nabangga ng isang pampasaherong jeep ngunit
imbes na tulungan ay tinakasan lang ito ng driver dala na rin siguro ng takot
na makulong. Namatay ang babae at ang mas malala pa ay sumabog ang kotse nito.
Tumatagas na pala ang gasolina dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga ng
kotse nito sa puno ng niyog. Ngunit ang aksidenteng iyon ay nangyari sampung
taon na ang nakakaraan. Petsa dose, buwan ng Hunyo.”
Nagitla siya sa narinig. Kapareho ng
petsa ngayong araw!
“This is impossible!”
“Mahirap mang paniwalaan ngunit iyan ang
totoo. Kahit balikan pa natin ang lugar na iyon ngayon, sigurado akong wala
tayong makikitang bakas ng aksidente.”
Napasabunot na lamang siya ng buhok. Ramdam
niya ang pag ring ng kanyang cellphone pero wala na siyang pakialam. Napakagulo
ng kanyang isip ngayon. Hindi niya alam kung nakailang baso na siya ng tubig
hindi dahil sa uhaw kundi sa panginginig dala ng takot. Nanatili muna siya sa
presinto para pakalamahin ang sarili. Nagpasya siyang umuwi na lang imbes na
puntahan pa ang kanyang ka-meeting. Bahala nang wala siyang trabahong mabalikan
bukas.
“Mag-ingat po kayo, Sir.” Ani ng pulis
matapos siyang ihatid sa kanyang sasakyan.
“Salamat.”
Habang tahak ang daan pabalik ng
apartment ay hindi pa rin mawala sa kanyang isip ang mukha ng duguang babae.
Pinagpapawisan siya ng malagkit kahit nakatodo naman ang aircon ng kanyang
kotse. Isang kanto na lang ang madadaanan niya bago makauwi ngunit biglang
hindi na niya makontrol pakaliwa ang kotse.
“Shit!” pilit niyang inaapakan ang preno
ngunit hindi na rin gumagana. Nagsimula na siyang sumigaw. “T-Tulong!”
“Bakit hindi mo ako tinulungan?”
napaigtad siya nang maramdaman ang malamig na hininga malapit sa tenga niya.
Nabitawan na niya ang manebela para sumiksik sa gilid dahil pagtingin niya sa
likod ay nakaupo na roon ang babaeng nakabanggan niya kanina. “Nagmakaawa ako
sayo pero umalis ka lang…”
“U-Umalis ka!” pinagsisipa niya ang
bintana ngunit hindi niya iyon mabasag. “Maawa ka sa akin! S-Sinubukan kitang
tulungan! Matagal ka nang patay!”
“Hindi! Pinatay mo ako!” parang kulog na
pumuno sa loob ng kotse ang boses nito kasabay ng paglaglagan ng isang mata
nito at mga ngipin. Nagsimula na ring magbago ang mukha nito. Mula sa duguang
mukha ay nagsimula itong magmukhang naaganas na bangkay. Narinig pa niya ang
mahinang iyak ng isang sanggol.”
“Tama na!” nahihintakutang sigaw niya
lalo pa nang makita ang masaganang dugo na umaagos mula sa loob ng palada nito
kasunod ng paglabas ng isang sunog na fetus na umiiyak at gumagalaw pa.”
“Isasama ka namin!”
“Tulong!” malakas na sigaw niya bago
naramdaman ang malakas na pagbangga ng kotse sa isang matigas na bagay. Nabasag
ang salamin sa bintana at tumama ang ilan sa kanyang mukha. Gusto man niyang
sumigaw ulit ngunit hindi na niya magawa pa. Hinawakan niya ang leeg. May
malaking salamin na nakabaon doon.
“Halika ka na, Mark. Hinihintay ka na
nila sa impyerno.”
“H-hindi…” bago siya tuluyang nawalan ng
hininga ay may narinig pa siyang mga sigaw na parang nasasaktan. Palapit nang
palapit ang boses. Habang lumalakas ang mga sigaw ay painit din ng painit ang
kanyang nararamdaman na parang bang sinusunog siya ng buhay.
Comments
Post a Comment