Panaginip

 




“Panaginip”

 

 

            “Magandang araw, Sir Carlos!” nakangiting bati ng kanilang mayordoma pagkababa pa lamang niya ng kanilang kulay gintong hagdan. “Nakahanda na po ang agahan niyo, Sir Carlos. Nauna na pong kumain ang inyong Mama at Papa dahil may pupuntahan pa raw silang importante ngayong araw.”

            “Magandang umaga rin sayo, Aling Faith.”ganting niya  sa matandang katiwala bago umupo sa mahabang mesa. Maraming msarap na pagkain ang nakahain. May pritong itlog, sinangag na kanin, imbotido, prutas at ang paborito niyang hotdog. “Mukhang masarap po ito.” masigla niyang sabi bago sabik na kumuha ng kanin.

            “May tumawag nga pala rito kanina. Sekretarya mo raw. Pinapasabing may importante kang meeting ngayong alas-otso.”

            Kumunot ang noo niya sa narinig. “Meeting?” napakamot siya ng ulo. “Oo nga pala. Sa dami ng mga dapat kong gawin ay nakalimutan ko na. Mukhang hindi ko na makakain ang masarap na pagkaing inihanda mo, Aling Faith.”

            “Naku, Sir Carlos, huwag kayong mag-alala at ipaghahanda ko kayo ng mas masarap pa bukas.” Natawa na lamang siya bago tumayo at tinungo ang lagayan ng susi ng kanyang mga koleksyon ng kotse. Pinili niya ang pinakapaborito niya sa lahat, isang kulay itim na McLaren. Iyon ang regalo niya sa sarili matapos naging matagumpay ang itinayo niyang negosyo ng peanut butter at siomai. Ilang taon na rin mula nang mangyari iyon at malaki ang pasasalamat niya na kahit hindi niya natapos ang kursong Business Management ay nagawa pa rin niyang magtayo ng negosyo gamit ang sariling diskarte, sipag, at higit sa lahat, determinasyong makaahon at maging matagumpay sa buhay. Nabibigay niya lahat ng bagay na gusto niyang ibigay sa mga magulang. Napagtapos niya ang mga kapatid na ngayo’y kapwa matagumpay na rin sa buhay at higit sa lahat, nakakapagbigay siya ng tulong sa mga nangangailangan. Mayroon siyang dalawang bahay ampunan na kumukupkop sa mga batang lansangan at nagbibigay ng libreng edukasyon. Masaya siya sa buhay na mayroon siya. Masayang masaya.

            Ilang minuto rin bago niya narating ang opisina. Agad siyang binati ng bawat empleyado na kanyang madadaanan bilang respeto. Isang masiglang ngiti lamang ang naging ganti niya. Pagdating niya sa loob ng opisina ay naroon na si Mr. Tsing, isang intsik na negosyanteng gustong maki-susyo sa kanyang negosyo.

            “Magandang araw, Mr. Villamor.” salubong na bati sa kanya ni Mr. Tsing sa tonong intsik na lengguwahe.

            “Magandang araw din sayo, Mr. Tsing. Bakit hindi po muna kayo maupo? May gusto ba kayong inumin?”

            “Coffee please.” anito bago naupo sa kaharap na upuan. Inilapag nito ang mga papeles na dala sa ibabaw ng mesang babasagin. “Kaya ako punta rito ngayon, Mr. Villamor kasi ako kinukulit na ng aking partner na makipag deal sayo.”

            Kinuha niya ang mga papeles at tahimik na binasa ang mga nakasaad doon. Balak ng mga itong magbenta ng peanut butter sa Taiwan at China at kanilang pabrika ng mga itong balak kumuha ng bultong-bultong supply. Napatango siya ng marahan. Hindi na masama kung sakaling pumayag siya.

            “Kailan niyo balak simulan ang pagkuha ng mga produkto, Mr. Tsing?” nakangiting sabi niya kaya agad na nagliwanag ang mukha nito.

            “Talaga? Naku, maraming salamat sa iyo, Mr. Villamor.” tuwang-tuwa na nakipag kamay ito sa kanya.  “Ako agad ipapahanda ang kontrata aking sekretarya bukas din mismo. Ikaw makakaasa na ako magiging mabuting kliyente.”

            “Salamat kung ganoon, Mr. Tsing.” tinanggap niya ang pakikipag-kamay nito. “Magkape muna tayo.” muwestra niya sa tasa ng kape na kalalapag lang sa kanilang harapan ng kanyang sekretarya. Ganito siya sa lahat ng kanyang mga kliyente at maging mga empleyado. Hindi siya ang tipo ng boss na mahilig magsuot ng nakakatakot na mukha para makakuha ng respeto,

            “Naku, maraming salamat. Bawal tanggi sa grasya.” natawa na lamang siya. Matapos maubos ang kape ay agad na itong nagpaalam sa kanya. Siya naman ay pinirmahan na ang mga pepeles na dapat niyang pirmahan.

            Mabilis na lumipas ang oras. Hindi man lang niya namalayan na malapit na palang mag-alas dose. Napailing na lamang siya nang biglang tumunog ang kanyang tiyan.

            “Analyn!”

            “Sir? May Kailangan po ba kayo?” Bungad ng kanyang sekretarya.

            “Wala naman. Wala na ba akong kliyente ngayong araw? May pupuntahan kasi ngayong hapon.”

            “Wala po, Sir Carlos.” Ani nito matapos tingnan ang planner.

            Natuwa siya sa narinig. “Aalis na ako kung ganoon.” masiglang wika niya bago kinuha ang attache case.

            Habang nasa daan ay tahimik niyang pinagmasdan ang gilid ng kalsada. Masaya siya buhay pero hindi niya maiwasang malungkot kapag nakikita niya ang mga pulubi sa daan na nanghihingi ng pera at kadalasan na natutulog sa tabi ng mga bangko. Palaging pumapasok sa isip niya na hindi siya lubusang maligaya kung wala siyang silbi sa ibang tao dahil para sa kanya, ang buhay ay hindi para sa sarili lamang.  Ang buhay ay isang misyon na hindi mo mapagtatagumpayan ng mag-isa lamang.

            Paliko na siya sa dapat niyang puntahan nang may maalala siya. Bigla siyang nasabik kaya mas lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo ng kotse. Ilang sandali pa ay nasa harap na siya ng isang bahay ampunan. Personal na proyekto niya iyon para sarili. Hindi man ganoon kalaki pero sapat na iyon para punan ang pangangailangan ng mga batang sa lansangan na halos nakatira dahil wala nang mga magulang para gabayan sila. Hindi na siya bumaba ng kotse. Kontento na siyang makita sa malayo ang mga batang naghahabulan habang naka-agabay sa kanila ang mga madre na siyang nagsisilbing taga gabay ng mga ito. Kaysarap pagmasdan ang mga buhay na nabigyan niya ng panibagong buhay.

            Ilang sandali siya naglagi sa ampunan bago tumungo sa lugar na sadya niya. Tahimik, malamig ang simoy ng hangin, at parang kaylapit sa kalikasan. Ang bawat papalapit na alon ay parang musika sa kanyang tenga habang nakaupo sa labas ng kanyang maliit na bahay pahingahan na nakatayo sa tabi ng dagat. Dito siya naglalagi sa tuwing wala siyang gaanong ginagawa at sa tuwing may bagong kliyente sa kanyang kompanya.

            Malapit sa kanyang puso ang lugar na ito dahil dito niya gustong kausap ang dahilan kung bakit siya nabubuhay. Dito niya mas gustong magpapasalamat sa lahat ng biyaya na ibinigay Nito sa kanya. Dito niya mas ramdam ang pagiging tao.

            “Salamat po ulit.” tahimik niyang usal habang palakad-lakad na sa gilid ng baybayin. Pabalik na sana siya sa loob nang biglang lumakas ang alon at tumilamsik sa kanya. Natawa na lamang siya.

 

            “Kaloy!”

 

            Bigla siyang natigilan. Walang ibang tao sa paligid maliban sa kanya.

 

“Kaloy, ano ba?”

 

            Ayan na naman ang boses na parang nakakatakot. Boses babae. Bigla siyang kinabahan. Hindi talaga siya naniniwala sa mga multo at aswang pero parang gusto niyang bawiin ang paniniwala sa mga sandaling iyon.

            “Kaloy! Kapag hindi ka pa bumangon, isang balde na talaga ng tubig ang ibubuhos ko sayo!”

            May kung anong liwanag na papalapit sa kanya. Akma na sana siyang tatakbo pero huli na ang lahat. Tuluyan na siyang nilamon ng liwanag.

            “Nay?” nanlaki ang mata niya nang mamulatan ang Inang may buhat nang isang timba ng tubig. “Nay naman, ka badtrip. Ang ganda na ng panaginip ko eh.” Yamot na bumaba siya sa kawayang higaan. Tinatamad na nag-inat siya ng sumasakit na likod bago tinungo ang kusina.

            “Maligo ka na nga. Marami pa tayong hahakuting peanut butter sa palengke.”

            “Ano pong almusal natin?” bigla siyang nanalangin na sana huwag itlog o di kaya ay pritong tuyo pero biglang nalaglag ang balikat niya. Hindi pa niya nakikita ang natatakpan ng plato pero alam na niya tuyo at itlog na naman ang uulamin niya dahil sa amoy.”Wala po bang hotdog, Nay? Sabi mo sa akin kahapon bibili ka ng isang kilo?”

            “Tumigil ka nga, Kaloy. Kumain ka na at marami pa tayong gagawin.”

            “Carlos po, hindi Kaloy. Ang badoy kayang pakinggan ng Kaloy.”

            “Isa pa, Kaloy.” Tumahimik na lamang siya habang nilalantakan ang almusal.

            “Basta kapag naging mayaman na ako, at may malaking bahay pati sasakyan, Carlos na ang gusto kong itawag sa akin.” nakita niyang biglang nalungkot ang mukha ng nanay niya. “Hindi naman po kailangan na makatapos ako para yumaman e. Marami kayang hindi nakapagtapos pero ang gara na nila ngayon. Magbebenta ako ng maraming peanut butter, Nay. Matalino naman na ako at tsaka mas maraming akong matutunan sa google kaysa paaralan. Kapag mayaman na ako, lilibutin natin ang buong mundo at tsaka magpapatayo ako ng ampunan. Bibili rin ako bahay malapit sa dagat.”

            “Paano ka yayaman kung ang bagal mo namang kumain?”

            “Hindi po a.” Binilisan niya ang pagsubo ng kanin. Simbilis din ng kidlat siyang naligo bago isinuot ang sapatos na konti na lang ay lalabas na ang kanyang hinlalaki. Suot din niya ang paborito damit na may tapal ng mukha ni Steve Jobs. Ayaw niyang hanggang pangarap lang ang lahat ng pangarap na mayroon siya. Mahirap man pero sinisigurado niyang matapang ang loob niyang harapin ang realidad ng buhay. Yayaman siya dahil sa kanyang sipag at tiyaga kahit wala siyang hawak na diploma.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

LIBRARIAN'S LICENSURE EXAMINATION SEPTEMBER 2025 RESULTS

Pagtatampok ng Lemlunay, bagong Aklat ni Virgilio Almario

One Shot Story