Manlalayog
Kahit sino ang tanungin mo, ang pinakamasayang pista
na maaari mong maranasan ay sa probinsya mo matitikman. Kaya heto siya, kahit
ilang beses nasuka sa barko ay sulit
naman dahil tulad nga ulit ng sabi ng karamihan, mas masarap ang hanging
malalanghap mo probinsya.
“Wow parekoy feel na feel natin ang hangin diyan
a? Gumagawa ka ba ng music video?” agad
niyang binatukan ang kaibigang si John.
“Tumahimik ka dyan, Siokoy! Tulungan mo si Andre na
magbuhat ng isang aparador mong gamit.” Balik na asar niya rito. Ang dami kasi
nitong dala. Dalawang maleta at dalawang backpack. May ilan pa itong paper bag
na dala. Akala nga nila lilipat na ito ng probinsya.
“Hoy! John, Rico nandito na ang sasakyan nating
tricycle!” sasagot pa sana ito kaso tinawag na sila ni Andre na tagatak sa
pawis dahil ito na yata ang nagbuhat sa lahat ng mga gamit nila. “Isang oras pa
bago natin marating ang baranggay namin. Maliban sa tricycle ay wala na tayong
ibang masasakyan kaya tiis-tiis lang muna tayo.” Sabi nito sa kanila sabay
sampa sa likod ng driver. Agad siyang sumunod sa tabi nito kaya walang nagawa
si John kundi ang sumampa sa bubong ng tricycle. Wala na kasing puwesto sa loob
at maging sa likuran dahil puno na ng mga gamit nila. Hindi katulad ng sa ibang
mga probinsya, sementado ang daan nila Andre kaya walang gaanong alikabok.
“Wooh! Para akong nililipad ng air! Ang sarap!”
napailing na lang sila ni Andre. Pinagtitinginan na yata sila ng madaadaanan
nila dahil sa ingay ni John. Nakadapa pa ito na para bang dinadama ng mabuti
ang hangin.
“Kapag ikaw tuluyang nilipad ng hangin diyan pre,
bahala ka sa buhay mo. Hindi ka namin tutulungan. Sobra-sobrang kahihiyan na
ang binigay mo sa amin.” Pati driver ay natawa sa sinabi niya.
“Ang daming killjoy!” naramdaman pa niyang hinila
nitong ang kapiranggot na buhok niya.
“Shit! Ang sakit nun ha!” mura niya rito. “Humanda
ka kapag dumating na tayo-“
“What the heck mga dude!” putol ni John sa kanya.
Agad niya itong tiningala. Nakatingin ito sa hindi kalayuan. Sinundan niya kung
saan nakatutok ang mata nito. “Nasa langit na ba tayo at nakakakita na ako ng
anghel?” dagdag pa nito habang hawak ang dibdib. Nakatitig ito sa babaeng
parang nakatingin din sa kanila.
“Kilala mo ‘yun, Dre?” tanong niya sa katabi ngunit
umiling ito.
“Baka bagong lipat. Matagal na rin kasi bago ako
nakabalik dito.” Sagot nito. Muli niyang tiningnan ang kinaroroonan ng babae
kanina. Tama si John. Kahit malayo ay mahahalata mo pa ring maganda ito. Mahaba
ang buhok na nililipad ng hangin. Balingkinitan at parang kay sarap yakapin.
“Kilala mo ba ‘yun, Nong?” tanong ni Andre sa driver
nila.
“Hindi rin mga dong. Pero mag-ingat kayo lalo na sa
mga dalagang makikita niyo.” Nakuha nito ang atensyon nilang tatlo. “Ayon sa
mga sabi-sabi ay marami raw mga kalalakihan ang nawawala buhat nang dumami ang
mga nakakaakit na dilag na bigla na lamang nagsulputan dito. Sabi nila mga engkanto raw na nagkatawang tao
para maghanap ng makakain.”
“Baka kamo itinanan nung mga lalaki ang sexy babes
kaya sila nawawala. Come on, guys, it’s 2017. Takot na ‘yang mga engkanto o
halimaw sa ating mga millennials. Sa potential pa lang ng mga senior high
school, kakaripas pabalik sa kung saang puno ng balete ang mga ‘yan nakatira.”
Adik talaga itong si John.
“Pero walang masama kung mag-iingat kayo lalo pa at
bagong salta kayo rito. Huwag kayong lalabas ng bahay kapag madilim na. Mas
mabuting manatili na lang kayo sa inyong bahay.” Payo nito.
“Don’t worry, Manong. Makakatikim ng bagsik ng aking
mga muscle ang mga horror babes na ‘yan.” Nagmacho pose pa ito kaya napailing
na lang silang dalawa ni Andre. Kahit kailan talaga nakakahiyang ang kaibigan
nilang ‘yan.
Ilang sandali pa ay dumating na sila sa baryo nina
Andre. Maraming kabahayan at karamihan ay gawa sa kawayan. Ang bahay nga lang
yata ng kaibigan nila ang sementado. Kunsabagay, malaki rin kasi ang kinikitang
nilang magkaibigan bilang mga call center agent. Nasa labas pa lang sila ng
bahay ay agad na silang sinalubong ng nanay ni Andre. Makikita mo talaga sa mga
mata nito ang saya.
“Halika
kayong dalawa sa loob. Pasensya na kayo sa bahay namin. Hindi pa kasi
tapos ipagawa.”
“Si tatang?” tanong ni Andre na pabagsak na naupo sa
leather na upuan.
“Naku! Andun kina Mang Dado. Nagmimiting sila
tungkol sa skedyul ng kanilang pagroronda tuwing gabi. Marami na kasi ang
nawawala dito sa atin maging sa mga kalapit na baryo.” Nagkatinginan silang
tatlo.
“Narinig nga po namin sa driver na nasakyan namin kanina.”
Aniya.
“Hinala nga ng ilan, e baka dinukot ng mga sindikato
para ibenta ang mga laman loob. Nauuso kasi ang mga ganyan sa panahon ngayon.
Ang iba naman ay pinagbibintangan ang mga sinasabi nilang manlalayog.”
“Manlalayog?” sabay na ulit nila ni John sa sinabi
Tita Juana.
“Oo.” Umupo pa ito sa harap na para bang ganadong
magkwento. “Nagpapanggap sila bilang mga nakakaakit na babae. Mahaba ang
kanilang buhok na ginagamit nila para sakalin ang kanilang mga mabibiktimang
mga kalalakihan.”
“Kung kasing-ganda naman ng isang Victoria Secret
model, I, John the Pogi is willing to become a victim.” Sabay na naglanding ang
mga kama nila ni Andre dahil sa sinabi ni John. “Mga dudes naman. Nakakasakit
na kayo ng skull ha!” nakasimangot nitong reklamo. Natawa na lamang si Tita
Juana.
“Kayo talaga. Tama na ang tsismisan at halina na
kayo sa kusina. Mas masarap ang sinigang kapag mainit pa.”
Ilang sandali pa ay puro lagatik ng tinidor at
kutsara na lang ang maririnig. Matapos kumain ay napasya silang maglibot-libot
sa lugar nina Andre. Maganda, tahimik at halos lahat ng tao ay magkakilala.
Parang kaysarap tumira sa ganitong lugar. Madilim na ang paligid nang nagpasya
silang umuwi.
“Guys, hanap lang muna ako ng matinong signal. I’m
sure palalayasin na ako sa bahay ni mama kapag hindi ako tatawag sa kanya.”
“Mama’s boy!” kantyaw nila kay John.
“Shup up mga dudes!” pakamot-kamot pa ito ng ulo
habang may kausap sa cellphone. “Yes po. Opo, opo.”
Nauna na lang silang pumasok sa loob ng bahay. Si
Andre ay tinulungan si Tita Juana sa pagluluto habang siya naman ay nagpasyang
maligo na muna bago tumulong sa paghahanda ng kanilang hapunan.
“Si John?” tanong niya kay Andre matapos maligo. Naupo
siya sa tabi nito. Kumuha na rin siya ng kutsilyo at nagsimulang magbalat ng
patatas.
“Kausap pa yata mama niya. Alam mo naman si Tita
Julie.”
Nagkibit-balikat na lang siya. Malapit na silang
matapos sa ginagawa nang mapansin niyang wala pa rin si John. Halos isang oras
na mula nang magpaalam ito. Dumating na nga rin ang Tatay ni Andre pero wala pa
rin ito.
“Subukan kong tawagan.” Kinuha niya sa kwarto ang
cellphone at nag dial ngunit out of coverage area.
Ilang beses pa niyang sinubukang tawagan si John
ngunit ganoon pa rin. Salitan na sila sa pag dial dito.
“Ang mabuti pa ay hanapin na natin ang kabigan niyo.
Mahirap na lalo pa at hindi ligtas sa lugar na ito.” Suhestiyon ng tatay ni
Andre. “Hihingi na rin ako ng tulong kina Kapitan.”
“Babatukan talaga kita hanggang sa mabanog ang utak
mo, John.” Inis na sambit niya habang hawak ang isang flashlight. Kasunod naman
niya si Andre na may flashlight ding dala at isang mahabang tabak.
“John! Pare!”
“John!”
“Nasaan na ba ang ugok na ‘yun?”
“Ang mabuti pa siguro ay maghiwalay na tayo sa
paghahanap. Kapag nakita mo siya, tawagan mo kaagad ako.” Ani Andre.
“Sige.” Aniya bago tumakbo sa kabilang direksyon
habang tinatawag ang pangalan ni John.
Nakarating na yata siya sa taniman ng mga tubo pero
hindi pa rin niya nakita si John. Hindi na nga halos niya matandaan ang daan
pabalik ngunit mas nanaig sa kanya ang kagustuhan na mahanap ang kaibigan.
“Juan!” muling sigaw niya pero huni lang ng mga
panggabing insekto ang sumagot sa kanya. Pagod na naupo siya sa isang malaking
bato. Nauuhaw na rin siya at nangangati. Sigurado siyang puros pantal na rin
ang kanyang mga balat dahil sa kagat ng mga lamok.
“May hinahanap ka ba?”
“What the fuc-“ muntikan na niyang ibato ang
flashlight sa sobrang gulat nang bigla na lang may nagsalita sa kanyang
likuran. Tumingin siya sa paligid. “Anong ginagawa mo rito, Miss? Delikado para
sa isang babae ang maglakad ng mag-isa.” Ngumiti lang ito ng tipid. Siya naman
ay napahawak sa puso. Hindi niya alam pero biglang bumilis ang tibok ng kanyang
puso. Nalintikan na. Na love at first pa yata siya. Tiningnan niya ito ng mabuti.
Mahaba ang buhok, singkit ang mga mata at may dimples pa sa magkabilang pisngi.
“Bakit ka nandito?” tanong ulit ng babae.
“Hinahanap ko kasi ang kaibigan ko. Ikaw?” unti-unti
itong naglakad palapit sa kanya.
“May hinahanap din.” Pinisil niya ang sarili. Para
kasing may tumutulak sa kanya na yakapin ito. “Hindi ka taga-rito. Nakita ko
kayo kanina.” Bigla niyang naalala ang babaeng nakita nila kanina.
“Ikaw ‘yun?” gulat na bulalas niya. Mas maganda pa
pala talaga ito sa malapitan.
Tumango ito. Bago inilapit ang mukha sa kanya.
“Gusto mo bang sumama sa akin?’
“Ha? Saan?”
“Halika…” kinuha nito ang kanyang mga kamay. Hindi
niya alam pero kusang kumilos ang kanyang mga paa para sumunod dito. Naglakad
sila papunta sa mas masukal na bahagi ng tubuhan.
“Teka…” gusto niyang kunin ang mga kamay ngunit
parang naubusan siya ng lakas. “S-Sandali…” Tumigil ito sa paglalakad.
“Ayaw mo bang sumama sa akin? Pangit pa ba ako?
Hindi ka ba nagagandahan sa akin? Maganda ako diba?” unti-until itong humarap
sa kanya dahilan para manlaki ang kanyang mga mata.
“S-sino ka!?” biglang nagbago ang itsura nito. Mula
sa napakagandang dilag ay nagmukha itong matanda. Unti-unting humaba at naging
puti ang buhok nitong halos sumayad na sa lupa.
“Maganda ako…..maganda ako….” Tatakbo pa sana siya
ngunit bago pa niya iyon nagawa ay pumulupot na sa kanyang baywang ang buhok
nito. “Akin ka!” mas lalong sumikip ang
pagkakapulupot ng buhok nito sa kanyang baywang kaya wala siyang magawa kundi
magpumiglas.
“H-huwag…” gusto niyang mandiri nang maramdaman niya
ang paglapat ng mga labi nito sa kanya. Kasunod niyon ang parang pagkaubos ng
kanyang lakas. Maging ang kanyang paghinga ay unti-unti na ring bumabagal.
Halos wala na siyang maramdaman. Parang hinihigop nito lahat ng mayroon siya.
“Bitawan mo siya, Witch!” narinig pa niyang may
sumigaw kasunod ng pagbagsak ng kanyang katawan sa lupa. Hindi niya alam kung
ano ang nangyari. Ito na yata ang katapusan niya.
“Rico! Dude!” iyon lang ang huli niyang narinig bago
tuluyang dumilim ang lahat.
Kinabukasan ay nagising siyang nakahiga sa kama.
Maraming dahon na nakatapal sa kanyang noo at tiyan. Sinubukan niyang bumangon
ngunit parang wala pa rin siyang lakas para gawin iyon.
“Pare!!!”
“J-John?”
“Rico my friend!” agad siya nitong niyakap ng
mahigpit. “I’m glad na buhay ka pa.” Katabi nito si Andre, Tita Juana, pati ang
tatay ni Andre at isang matandang lalaki na mukhang albularyo.
“Mabuti na lang at dumating ang kaibigan mo, Iho.
Hindi pa nahigop ng manlalayog ang buhay mo.”
“A-anong…”
“Sorry dude. Sinubukan ko kasing I goodtime kayo ni
Andre. Hindi ko naman alam na may mangyayari sayong masama. Mabuti na lang ikaw
ang sinundan ko. Hindi agad ako nakasunod nang makarating na tayo sa tubuhan
kasi tinawagan ko pa si Andre para sabihin kung nasaan tayo. Hindi ko na rin
kasi alam kung paano tayo babalik sa bahay nila. At yun nga, nung sinundan na
kita ulit, nakita kitang may kasamang babae. Kakantyawan pa nga sana kita kaso
nag transform siya at ni-lips to lips ka. Bigla tumakbo ang halimaw na ‘yun
nang sumigaw ako. Akala ko nga ako na isusunod niya e. Akala ko talaga joke
lang ang manlalayog na ‘yun. Sorry talaga, Rico mylabs.” Napangiti na lang siya
nang makitang umiiyak na talaga ito. Pasalamat na lamang siya at hindi siya
natuluyan.

Comments
Post a Comment